Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: PBBM, inatasang suriin ang patakaran sa disability discharge matapos mag-viral ang video ng bulag na sundalo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-01 22:30:45 Tingnan: PBBM, inatasang suriin ang patakaran sa disability discharge matapos mag-viral ang video ng bulag na sundalo

MANILA — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Defense Secretary Gilbert Teodoro na muling pag-aralan ang umiiral na patakaran sa complete disability discharge (CDD) ng mga sundalong lubhang nasusugatan habang nasa tungkulin, kasunod ng kontrobersyal na pag-discharge kay Philippine Army Capt. Jerome Jacuba na nabulag dahil sa pagsabog sa combat operation.

Si Jacuba, isang beteranong opisyal na may higit 15 taong serbisyo, ay opisyal na huminto sa paglilingkod noong Nobyembre 30 matapos sabihing hindi na siya makapagsisilbi dahil sa kanyang kondisyon. “Nasabugan ako ng bomba… totally blind,” pahayag niya sa isang Facebook post.

Ngunit nitong Lunes, kinumpirma ng Pangulo na ipinag-utos na niya kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na suspindihin ang disability discharge ni Jacuba, na tinawag niyang “hindi tama at hindi makatarungan.”

“Ito ay opisyal na itinaya ang buhay para ipagtanggol ang Pilipinas. Hindi puwedeng basta na lang natin bibitawan,” ani Marcos Jr. Nanawagan rin siya na ma-promote si Jacuba sa ranggong major bilang pagkilala sa kanyang katapangan.

Iginiit ng Pangulo na may maraming tungkuling maaaring gampanan ang isang sundalo kahit may kapansanan, lalo na ang may malawak na karanasan. “Maghanap tayo ng adaptive duties. Kahit bulag, may magagawa pa sa serbisyo,” aniya.

Bilang tugon, ipinangako niyang iaayos ang CDD policy upang hindi na maulit ang katulad na pangyayari. “Ginagawa nila ang tungkulin para sa Pilipinas. Hindi tama na pagkasilbi at nasaktan ay basta pababayaan. Dapat patuloy ang pagkilala sa kanilang sakripisyo.”

Samantala, sa isang emosyonal na video, nagpasalamat si Jacuba sa suporta ng kapwa sundalo at publiko. Bagama’t bulag, tiniyak niyang mananatili ang kanyang dedikasyon sa bayan.

“Pumasok ako bilang sundalo na buo, pero lumabas na wala nang paningin. Hindi nawala ang aking paningin — ibinigay ko lang ito sa bansa,” ani Jacuba. Dagdag niya, hindi niya pinagsisisihan ang nangyari at kung bibigyan muli ng pagkakataon, “pipiliin ko pa rin maging sundalo.”

Sa huli, nangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod sa abot ng kanyang makakaya — lalo na para sa kinabukasan ng kanyang anak. (Larawan: AFP)