Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co, hinihinalang nagtatago sa Portugal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-01 19:20:27 Zaldy Co, hinihinalang nagtatago sa Portugal

DISYEMBRE 1, 2025 — Patuloy ang paghahanap ng pamahalaan kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, na iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng nasa Portugal habang nagpapatuloy ang pag-aresto sa mga sangkot sa kontrobersyal na flood control project sa Oriental Mindoro.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may impormasyon na si Co ay nagtataglay ng pasaporteng Portugese na matagal nang nakuha. 

“Zaldy Co is believed to be in Europe, suspected to be in Portugal. He is suspected to have a Portuguese passport, acquired so many years ago,” ani Remulla sa isang briefing sa Palasyo. (Pinaniniwalaang nasa Europa si Zaldy Co, hinalang nasa Portugal. May pasaporte umano siyang Portuges na matagal nang nakuha.)

Binanggit din ng kalihim na kanselado na ang pasaporte ni Co sa Pilipinas. 

“Ang pagkakaalam ko, na-cancel na 'yung passport niya,” wika ni Remulla.

May komplikasyon umano dahil pinaniniwalaang dalawa ang hawak na pasaporte ng dating kongresista. 

“We believe he is a holder of two passports. Not only a visa, but also a passport, so doon tayo may complication nang kaunti,” paliwanag ng kalihim. 

Nagbabala ang DILG na maaaring protektado si Co ng Portugal kung nakuha niya ang naturang pasaporte bago pa man isinampa ang mga kaso. Dagdag pa rito, walang umiiral na extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, dahilan upang ilipat sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin ng extradition.

Nanawagan si Remulla sa publiko: “Nakikiusap kami sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na kung makita nila si Zaldy Co, kung pwede picturan, ipadala, i-post agad sa internet para may idea tayo kung nasaan siya.”

Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas nang warrant of arrest laban kay Co at 15 iba pa mula sa Department of Public Works and Highways at Sunwest Corp. Ito ay kaugnay ng kasong graft at malversation na isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan noong Nobyembre 18, hinggil sa umano’y iregular na P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.



(Larawan: Philippine News Agency)