Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Ganito ho ba tayo kabalat-sibuyas?’ 5 kongresista, pumalag sa suspensyon ni Barzaga

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-02 12:32:49 ‘Ganito ho ba tayo kabalat-sibuyas?’ 5 kongresista, pumalag sa suspensyon ni Barzaga

DISYEMBRE 2, 2025 — Sa plenary session nitong Lunes, pinagtibay ng Kamara ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na suspendihin si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ng 60 araw na walang sahod at allowance. Umabot sa 249 ang bumoto pabor, habang 11 ang nag-abstain. Ngunit limang kongresista ang mariing tumutol at iginiit na labis ang parusa.

Sina SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando, Bagong Henerasyon party-list Rep. Robert Nazal, Quezon City Rep. Bong Suntay, at Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste ang nag-rehistro ng kanilang pagtutol. Para sa kanila, hindi dapat gawing kasalanan ang paggamit ni Barzaga ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag.

Binanggit ni Marcoleta ang pilosopiya ni Voltaire hinggil sa kalayaan sa pananalita: “From Voltaire’s philosophy of tolerance and freedom of expression, this line of often quoted: ‘I may not agree with what you say, but I will defend to the death your right to say it.’” 

(Mula sa pilosopiya ni Voltaire hinggil sa pagpaparaya at kalayaan sa pagpapahayag, madalas na inuulit ang linyang ito:‘I may not agree with what you say, but I will defend to the death your right to say it.’) 

Dagdag pa niya, “Honorable Barzaga’s statements directed at corruption within the government falls within the fullest and most urgent category of political expression.” 

(Ang mga pahayag ni Barzaga laban sa katiwalian sa pamahalaan ay kabilang sa pinakamahalaga at pinakamasidhing anyo ng pampulitikang pagpapahayag.)

Samantala, iginiit ni San Fernando na hindi dapat supilin ang malayang talakayan sa Kongreso. 

“Such should not work as to stifle free speech and debate. Lawmakers must be free to say what we want, especially on issues involving national importance,” giit niya.

(Hindi dapat maging hadlang ang pamantayan ng etiketa upang supilin ang malayang pananalita at debate. Dapat malaya ang mga mambabatas na magsalita, lalo na sa mga usaping may pambansang kahalagahan.) 

Aniya pa, “Ganito ho ba tayo kabalat-sibuyas at allergic sa mga naiibang pananaw?” 

Para naman kay Nazal, sobra ang hatol na suspensyon. 

“If he has indeed acted beneath the dignity of his office, then by all means reprimand him … But discipline must also be commensurate to the transgression,” wika niya.

(Kung totoong kumilos siya nang hindi naaayon sa dangal ng kanyang posisyon, dapat siyang pagalitan … Ngunit ang parusa ay dapat tumutugma sa bigat ng pagkakasala.) 

Ayon sa kanya, sapat na sana ang isang reprimand.

Pinakamatindi ang naging pahayag ni Leviste, na nagsabing mas dapat unahin ng Kamara ang mas mabibigat na alegasyon ng katiwalian kaysa sa kaso ni Barzaga. 

“Ang boto ko ay ‘no,’ hindi dahil perpekto si Cong. Barzaga, pero dahil kuwestyunable para sa akin na minadali natin itong desisyon … lalo na dahil inuuna natin ang kaso niya kaysa sa mga mas seryosong isyung kinakaharap ng isa sa mga kasamahan natin.” 

Dagdag pa niya, “Habang hindi man lamang natin pinaglalaanan ng masusing atensyon ang mas mabigat na alegasyon lumalabas na parang okay lang magnakaw sa Kongreso … Mahiya naman tayo.” 

Sa kabila ng mga pagtutol, nanatiling matibay ang boto ng mayorya. 



(Larawan: Kiko Barzaga | Facebook)