Diskurso PH
Translate the website into your language:

Manibela, maglulunsad ng 3-araw tigil-pasada simula Dec. 9

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-04 18:12:39 Manibela, maglulunsad ng 3-araw tigil-pasada simula Dec. 9

DISYEMBRE 4, 2025 — Maglulunsad ng tatlong araw na tigil-pasada ang transport group na Manibela simula Disyembre 9 bilang pagtutol sa umano’y panggigipit at labis na parusa laban sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan. Ayon sa grupo, hindi lamang ito simpleng protesta kundi panawagan laban sa sistematikong pang-aabuso ng ilang traffic enforcers at sa mabagal na proseso ng gobyerno sa mga dokumento ng mga drayber at operator.

Sa isang press conference, iginiit ni Manibela president Mar Valbuena na ang tigil-pasada ay isasagawa sa buong bansa at maaaring humaba depende sa magiging sitwasyon. 

“It may still be extended depending on developments … this is our response to the indiscriminate apprehensions and rampant extortion by enforcers on the road,” ani Valbuena. 

(Maaari pa itong pahabain depende sa mga kaganapan … tugon namin ito sa walang habas na panghuhuli at talamak na kotong ng mga enforcer sa kalsada.)

Binanggit ni Valbuena na lumalala ang “lagayan” o payola system, kung saan napipilitang magbigay ang mga tsuper upang makaiwas sa mabibigat na multa. Ang mga parusa, aniya, ay umaabot ng higit P12,000, bukod pa sa suspensyon at demerit points sa lisensya na direktang sumisira sa kabuhayan ng mga drayber.

Dagdag pa rito, patuloy umanong pinipilit ng mga awtoridad ang mga operator ng unconsolidated PUV na kumuha ng provisional authority, kahit pa naglabas na ng pahayag ang Department of Transportation na muling papayagang bumiyahe ang mga unconsolidated jeepneys sa parehong ruta matapos ang panawagan ng grupong PISTON.

Isa rin sa mga hinaing ng Manibela ang mabagal na pagproseso ng rehistro ng mga sasakyan, kahit bayad na ang mga kaukulang singil. Giit ng grupo, dagdag pasanin ito sa mga drayber na hirap nang makasabay sa gastusin.

Matatandaang bahagi ng Public Transport Modernization Program na inilunsad noong 2017 ang pagpapalit ng mga jeepney sa mas modernong unit na Euro 4-compliant. Ngunit sa halagang higit P2 milyon kada unit, mismong LandBank at DBP na ang nagsabing hindi kayang pasanin ng mga ordinaryong tsuper at operator ang ganitong halaga. 

Ang konsolidasyon ng mga prangkisa sa kooperatiba o korporasyon ang unang hakbang ng programa, bagay na tinututulan ng ilang grupo.

Sa darating na Martes hanggang Huwebes, inaasahang mararamdaman ng publiko ang epekto ng tigil-pasada, na posibleng humaba pa kung hindi matutugunan ang mga hinaing ng mga tsuper.



(Larawan: MANIBELA | Facebook)