NBI, ipinatawag ang limang person of interest sa pagpaslang kay Kap. Oscar ‘Dodong’ Bucol
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-04 23:59:56
DAVAO DEL SUR — Nagpalabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation–South Eastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) laban sa limang indibidwal na tinukoy bilang persons of interest sa pagpaslang kay Tres de Mayo Barangay Captain Oscar “Dodong” Bucol sa Digos City, Davao del Sur.
Kinumpirma ni NBI-SEMRO spokesperson Agent Ely Liano na inaasahang haharap ang limang iniimbestigahan sa mga darating na araw sa opisina ng NBI. Ayon sa opisyal, layunin ng pagpapatawag na bigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal na ipaliwanag ang kanilang panig kaugnay ng insidente.
Dagdag pa niya, posibleng madagdagan pa ang mga ipatawag depende sa magiging takbo ng imbestigasyon. Patuloy umano nilang nirerepaso ang mga CCTV footage na nakuha mula sa ilang pribadong establisimyento at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan sa lungsod.
Inamin ni Liano na may mga hamon sa pag-usad ng kaso, subalit tiniyak niyang determinado ang NBI na makamit ang hustisya para sa pinaslang na barangay captain.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na ibahagi ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa pagresolba ng kaso, lalo na’t si Bucol ay isang lingkod-bayan na naglilingkod sa kanyang komunidad.
Patuloy namang umaasa ang pamilya at mga residente ng Tres de Mayo na mabibigyan ng linaw at kapanatagan ang kaso sa lalong madaling panahon. (Larawan: KAP. OSCAR "Dodong" BUCOL Jr / Facebook)
