Filipino health workers, pinuri ng Japan — 225 nurses at caregivers, tatanggap ng libreng Japaneses training sa ilalim ng JPEPA
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-07 23:59:18
MANILA, Philippines — Kinilala ng pamahalaan ng Japan ang mahalagang papel ng mga Filipino health workers sa pagpapalakas ng kanilang medical at caregiving sectors, kasabay ng pagtanggap ng panibagong batch ng mga Pilipinong nurses at care workers sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Sa ginanap na opening ceremony ng Preparatory Japanese Language Training (PJLT), binigyang-diin ni Japanese Ambassador Endo ang kahalagahan ng kahusayan sa wikang Hapon para sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa Japan. “I have no doubt that each of you possesses the skills needed to be excellent nurses and care workers. As future professionals in Japan, however, mastery of the Japanese language will be vital,” ani Ambassador Endo sa kanyang talumpati.
Kabuuang 225 Filipino candidates para sa Nurse at Certified Care Worker positions ang napili upang sumailalim sa online at libreng PJLT. Layunin ng naturang programa na ihanda ang mga kalahok hindi lamang sa lengguwahe kundi pati na rin sa kultura, asal, at social etiquette ng bansang Hapon, upang mas maging handa sila sa pamumuhay at pagtatrabaho sa ibang bansa.
Pagdating ng mga napiling health workers sa Japan, sasailalim pa sila sa karagdagang anim na buwang masinsinang Japanese language training bago tuluyang i-deploy sa kani-kanilang nakatalagang healthcare facilities. Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang hakbang na ito upang masiguro ang mataas na kalidad ng serbisyo at maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga Pilipinong health workers at kanilang mga pasyenteng Hapones. Patuloy namang pinagtitibay ng programang JPEPA ang ugnayang Pilipinas at Japan, habang nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong propesyonal sa larangan ng kalusugan. (Larawan: ASEAN Briefing / Google)
