Libu-libo stranded, daan-daang pamilya lumikas dahil sa matinding pinsala ni ‘Wilma’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-07 20:46:38
DISYEMBRE 7, 2025 — Nagiwan ng malawak na epekto ang Tropical Depression “Wilma” matapos magdala ng malalakas na ulan at hangin sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 22,149 pamilya o katumbas ng 63,648 katao ang naapektuhan sa 169 barangay sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga.
Sa tala ng ahensya, 980 pamilya o 2,539 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 41 evacuation centers. May 11 pamilya o 44 katao naman ang tinulungan ng pamahalaan sa labas ng mga evacuation site. Bukod dito, 5,129 pamilya o 16,536 katao ang inilikas nang maaga sa Mimaropa, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga dahil sa banta ng pagbaha at landslide.
Samantala, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na 11,753 pasahero ang hindi nakabiyahe sa 79 pantalan sa Southern Tagalog, Palawan, Bicol, Western at Central Visayas, Eastern Visayas, Southern Visayas, at Northern Mindanao. Kasama rito ang 3,510 rolling cargoes, 109 barko, at 38 motor banca na hindi nakalarga. May 123 barko at 116 motor banca rin ang nagkubli sa ligtas na lugar dahil sa masamang kondisyon ng dagat.
Pinakamataas ang bilang ng mga na-stranded sa Bicol kung saan 5,652 pasahero at 1,563 rolling cargoes ang naipit sa mga pantalan ng Matnog, Pilar, Pasacao, Bulan, at Aroroy. Apat na barko at dalawang motor banca ang nanatiling nakadaong, habang 26 barko at 12 motorbanca ang naghanap ng masisilungan.
Sa iba pang ulat, 13 lugar sa Regions 5, 8, at 13 ang binaha, dahilan upang walong kalsada ang hindi madaanan ng mga motorista. Nagbigay naman ang pambansang pamahalaan ng ₱76,472 halaga ng ayuda sa mga naapektuhan sa Caraga.
Habang nagpapatuloy ang monitoring, nananatiling hamon ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at sa libu-libong pasaherong naipit sa mga pantalan.
Ang sitwasyong dulot ni “Wilma” ay muling nagpapaalala sa kahandaan ng bansa sa mga kalamidad na paulit-ulit na tumatama taon-taon.
(Larawan: Philippine News Agency)
