Paglipat ng ₱60-bilyong PhilHealth funds ay isang common sense approach ayon kay Ex. Sec. Ralph Recto
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-07 23:36:16
MANILA, Philippines — Umani ng batikos mula sa publiko ang pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto kaugnay sa kontrobersiyal na paglipat ng ₱60-bilyong pondo ng PhilHealth na ginamit umano para pondohan ang mga flood control projects ng gobyerno.
Ayon kay Recto, isang “common sense approach” ang naging batayan ng naturang desisyon, na aniya’y kanilang ginawa kasama ni Pangulong Bongbong Marcos para tugunan ang mga pangangailangan ng bansa sa disaster mitigation at infrastructure. Iginiit niya na ang hakbang ay isinagawa sa layuning maprotektahan ang mga mamamayan laban sa panganib ng pagbaha at iba pang kalamidad.
Gayunman, naging mitsa ito ng galit ng ilang netizens na kumuwestiyon kung bakit ginamit ang pondong mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth. Isang netizen ang nagkomento na hindi makatarungan ang paggamit ng pondo lalo na kung may alegasyon umano ng “ghost” o kuwestiyonableng flood control projects. Ang naturang pahayag ay agad na kumalat sa social media at lalong nagpasiklab sa diskurso online.
Lalo pang lumala ang isyu nang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nag-uutos ng pagsasauli ng nasabing pondo. Sa kanilang ruling, sinabi ng mataas na hukuman na may “grave abuse of discretion” sa ginawang desisyon sa paglipat ng pondo, na ayon sa korte ay labag sa itinatakdang proseso sa pamamahala ng pondo ng isang ahensiya. Hanggang ngayon, patuloy ang panawagan ng ilang sektor para sa mas malalim na imbestigasyon at mas malinaw na paliwanag mula sa mga opisyal ng gobyerno hinggil sa isyu. Samantala, nananatiling sentro ng usapin ang pananagutan at tamang paggamit ng pondo ng bayan.
(Larawan: Ralph Recto / Facebook)
