‘Save Sierra Madre!’ — panawagan ng activist at indigenous peoples’ rights advocate na si Teddy Baguilat
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-07 23:51:45
MANILA, Philippines — Umalingawngaw ang panawagang “Save Sierra Madre!” matapos maghayag ng pagkabahala ang indigenous peoples’ rights advocate na si Teddy Baguilat hinggil sa pagdami ng mga karatulang “private property” na makikita umano sa loob ng mga protektadong lugar ng Sierra Madre.
Ayon kay Baguilat, taliwas sa batas at sa diwa ng environmental protection ang pagkakaroon ng mga bakod at pribadong marka sa mga lupaing itinuturing na pampubliko. “Sa kabundukan ng Sierra Madre na protected area, marami ka makikita na ‘private property.’ Public lands na may pang pribadong gamit at bakod!” ani Baguilat, na lalo pang nagpatingkad sa isyung kinakaharap ng pinakamahabang bulubundukin sa bansa.
Ang Sierra Madre, na may tinatayang habang 960 kilometro, ay itinuturing na gulugod ng silangang Luzon at nagsisilbing natural na panangga laban sa malalakas na bagyo at pagbaha. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, at Quezon, na ilan lamang sa mga rehiyong lubhang umaasa sa kabundukang ito para sa pangangalaga ng kanilang likas na yaman.
Nanawagan si Baguilat at iba pang environmental groups sa pamahalaan na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa ilegal na pang-aangkin ng lupa sa loob ng mga protected areas at agarang ipatupad ang mga batas pangkalikasan. Anila, hindi lamang ito usapin ng pagmamay-ari ng lupa, kundi ng pangangalaga sa kinabukasan ng kalikasan at ng mga susunod na henerasyon. Patuloy na lumalawak ang suporta sa kampanya na “Save Sierra Madre,” habang nananatiling tutok ang publiko sa mga hakbang ng pamahalaan ukol sa nasabing isyu. (Larawan: Wikipedia)
