Diskurso PH
Translate the website into your language:

Arrest warrant vs. Sarah Discaya, ANY DAY NOW — PBBM

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-09 09:18:57 Arrest warrant vs. Sarah Discaya, ANY DAY NOW — PBBM

MANILA — Inaasahan ngayong linggo ang paglabas ng warrant of arrest laban kay Cezarah Rowena “Sarah” Discaya, isang kontrobersyal na kontraktor na nasangkot sa umano’y ghost flood control projects sa Davao Occidental, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang mensahe sa publiko nitong Martes, sinabi ng Pangulo: “Inaasahan na din nating lalabas ang warrant of arrest ni Sarah Discaya itong linggong ito at hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kanya.” Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Nauna nang nagsampa ng Office of the Ombudsman ng mga kaso laban kay Discaya at iba pang opisyal kaugnay ng multi-billion peso flood control projects na sinasabing hindi naisakatuparan. Kabilang dito ang mga kasong graft at malversation of public funds.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, may walong personnel mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental ang nagpadala ng surrender feelers sa National Bureau of Investigation (NBI) habang hinihintay ang paglabas ng arrest warrants.

Binanggit ni Marcos na ang imbestigasyon ay magpapatuloy at sisiguraduhin ng pamahalaan na ang pera ng bayan ay maibabalik sa taumbayan. “Magpapatuloy ang imbestigasyon. Magpapatuloy ang pagpapanagot. At sisiguraduhin ng pamahalaan na ang pera ng bayan ay maibabalik sa taumbayan,” aniya.

Ang asawa ni Sarah, si Pacifico “Curlee” Discaya II, ay kasalukuyang nakakulong sa Senado matapos ma-cite in contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling at pagbibigay ng magkakasalungat na pahayag sa pagdinig kaugnay ng flood control scandal.

Bukod dito, iniulat ng Malacañang na ang Court of Appeals ay naglabas ng freeze order laban sa mga ari-arian at bank accounts na konektado sa mga kumpanyang sangkot sa proyekto, kabilang ang Silverwolves Construction Corporation.

Ang inaasahang paglabas ng arrest warrant laban kay Sarah Discaya ngayong linggo ay nakikitang malaking hakbang sa kampanya kontra korapsyon, lalo na sa mga proyektong pang-imprastruktura na matagal nang inirereklamo ng publiko.