Diskurso PH
Translate the website into your language:

Batang babae, ligtas matapos ang matapang na paglikas mula sa isang nasusunog na gusali sa Mandaue City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-10 23:28:24 Batang babae, ligtas matapos ang matapang na paglikas mula sa isang nasusunog na gusali sa Mandaue City

MANDAUE CITY — Isang matagumpay na rescue operation ang nasaksihan sa Barangay Guizo, Mandaue City nitong Miyerkules ng umaga, Disyembre 10, matapos masunog ang isang commercial building sa lugar.

Sa isang aktwal na video na kumalat sa social media, makikita ang mabilis at matapang na pagresponde ng mga bombero upang iligtas si Eimeilee Maningo, pamangkin ng may-ari ng establisimyento, kasama ang kanyang mga alagang aso.

Sa kabila ng matinding panganib na dulot ng apoy at usok, matagumpay na nailabas ng mga rumespondeng tauhan ng bumbero ang bata at ang mga “fur babies” nito mula sa loob ng gusaling nasusunog. Agad silang binigyan ng paunang tulong-medikal upang masigurong nasa mabuting kalagayan.

Umani ng papuri mula sa mga netizen ang ipinakitang kabayanihan ng mga bombero, na hindi nag-atubiling pumasok sa nagliliyab na gusali upang mailigtas ang mga buhay sa loob. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, habang pinaalalahanan ang publiko na manatiling maingat at sumunod sa mga fire safety measures upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap. (Larawan: Facebook)