Good News: 24/7 na kuryente sa Cagbalete Island, malapit nang matamasa sa pamamagitan ng Microgrid ng Meralco
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-10 23:44:21
CAGBALETE ISLAND, Quezon — Malapit nang maranasan ng humigit-kumulang 1,200 kabahayan at negosyo sa Cagbalete Island, Quezon ang tuloy-tuloy at mas maaasahang suplay ng kuryente matapos aprubahan ng Department of Energy (DOE) ang microgrid project ng Meralco.
Sa ilalim ng kasunduang nilagdaan kasama ang National Power Corporation (Napocor), ilulunsad ang isang hybrid microgrid system na pinagsasama ang solar power, battery energy storage, at diesel backup. Layunin ng proyektong ito na makamit ang 100% household electrification at matiyak na may kuryente sa buong isla anumang oras ng araw.
Ayon sa Napocor, malaking hakbang ito tungo sa mas ligtas, mas matatag, at mas environment-friendly na suplay ng kuryente para sa mga residente at negosyante sa isla. Inaasahan ding magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan, lalo na sa turismo, pangingisda, at maliliit na negosyo.
Matagal nang umaasa ang mga residente ng Cagbalete Island sa limitadong oras ng kuryente mula sa generator sets, kaya malaking ginhawa ang hatid ng proyekto. Sa tulong ng modernong microgrid technology, inaasahang magiging mas produktibo ang komunidad at mas magiging maayos ang serbisyo sa paaralan, health facilities, at iba pang pangunahing pangangailangan. Sa proyektong ito, mas maliwanag at mas progresibong kinabukasan ang naghihintay para sa Cagbalete Island at sa mga mamamayan nito. (Larawan: Grid Magazine / Google)
