Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sesyon ng Senado, pinalawig hanggang Dec. 23 para sa pagpasa ng 2026 national budget

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-10 22:33:27 Sesyon ng Senado, pinalawig hanggang Dec. 23 para sa pagpasa ng 2026 national budget

DISYEMBRE 10, 2025 — Sa kabila ng nalalapit na kapaskuhan, nagpasya ang Senado na palawigin ang kanilang sesyon hanggang Disyembre 23 upang matiyak ang pagpasa ng P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026.

Sa pamamagitan ng Concurrent Resolution No. 7, inusog ng Mataas na Kapulungan ang orihinal na adjournment mula Disyembre 19 patungong Disyembre 23. Pagkatapos nito, magpapahinga ang Senado mula Disyembre 24 hanggang Enero 25, at muling magbabalik sa Enero 26, 2026.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, ang desisyon ay bahagi ng sakripisyong kailangan upang matiyak ang agarang ratipikasyon ng General Appropriations Act bago matapos ang taon. 

“(Let’s do this) for the nation so we can pass the General Appropriations Act (GAA) or national budget,” aniya. 

(Gawin natin ito para sa bayan upang maipasa ang pambansang budget.)

Samantala, iginiit ni Senate Finance Committee chairman Sherwin Gatchalian na target nilang maipadala ang panukalang budget sa Pangulo bago ang Disyembre 29, 2025. Binanggit din niyang bukas ang Senado na gawing lantad sa publiko ang bicameral conference committee hearings upang maibalik ang tiwala ng taumbayan, lalo na matapos ang kontrobersiyang bumalot sa multi-bilyong flood control projects.

Ngunit bago pa man ang huling pagbasa ng panukala, ibinunyag ni Senador Erwin Tulfo na ilang miyembro ng Kamara ang tumutol sa mungkahing livestreaming ng bicameral meeting. 

“But we’re not hiding anything. Why are they opposed to it? That’s everyone’s budget. That’s our money. It’s not the senators’ money, nor the congressmen,” giit niya. 

(Pero wala tayong tinatago. Bakit sila tumututol? Budget ng lahat ito. Pera natin ito, hindi pera ng mga senador o kongresista.)

Sa kabila ng mga pagtutol, nananatiling determinadong ipasa ng Senado ang budget bago sumapit ang bagong taon.



Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)