Mangingisda sa Palawan, patay matapos sakmalin sa ulo ng buwayan habang nangunguha ng balatan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-11 00:39:02
BALABAC, Palawan — Isang 31-anyos na mangingisda, kinilalang si alyas “Dandan,” ang nasawi matapos sakmalin sa ulo ng buwaya habang nangunguha ng balatan (sea cucumber) sa Sitio Tawa, Barangay Agutayan, Balabac, Palawan, noong gabi ng Disyembre 9.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, sumisid si Dandan kasama ang tatlong kaibigan bandang alas-8 ng gabi nang biglang atakihin siya ng malaking buwaya sa ilalim ng tubig. Matapos sakmalin sa ulo, binitiwan siya ng hayop, at agad na iniahon ng kanyang mga kasamahan. Gayunpaman, idineklarang patay ang biktima sa lugar.
Nagdulot ng pangamba ang insidente sa mga residente dahil sa naitalang sunod-sunod na sightings ng buwaya sa lugar. Kasabay nito, pinayuhan ang publiko na maging maingat sa pagpasok sa tubig, lalo na sa mga lugar na kilala sa presensya ng mga malalaking crocodile.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa pamilya ng biktima. Ayon sa kanila, magsasagawa sila ng masusing pag-aaral sa populasyon ng Indo-Pacific Crocodile sa Balabac upang mabawasan ang wildlife-human conflict at mapabuti ang seguridad ng mga komunidad. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang matukoy ang eksaktong pangyayari at makapagbigay ng kaukulang babala sa publiko. (Larawan: Shutterstock / Google)
