Good News: Crime rate, bumaba ng 12.86% ayon sa PNP sa huling bahagi ng 2025
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-12 01:10:11
MANILA, Philippines — Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) ang 12.86% pagbaba ng focus crimes sa huling bahagi ng 2025, batay sa kanilang ulat para sa Nobyembre. Ayon kay Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr., bumaba sa 2,615 incidents ang naitalang krimen nitong Nobyembre mula sa 3,001 cases noong Oktubre.
Pinakamalaking ibinaba sa statistics ang mga kaso ng rape, physical injury, murder, at theft, na sinasabing bunga ng epektibong implementasyon ng mga estratehiya ng PNP. Kasama rito ang pinalakas na patrol, intel-driven operations, at mas aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagpigil at pagtugon sa krimen.
Bumaba rin ang cybercrime incidents mula sa 379 noong Oktubre patungong 311 cases noong Nobyembre, katumbas ng 17.94% pagbaba, na nagpapakita rin ng mas maayos na monitoring at enforcement laban sa online crimes.
Gayunpaman, paalala ni Nartatez, nananatiling heightened alert ang PNP at inaasahang magpapatupad ng full alert status sa mga susunod na linggo, lalo na sa paparating na holiday season, upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar at transport hubs. Ayon sa opisyal, ang pagbaba ng krimen ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng kapulisan na protektahan ang bawat komunidad at panatilihing ligtas ang bansa sa kabila ng mas malaking dami ng tao at aktibidad ngayong Kapaskuhan. (Larawan: Google)
