Lola pinasok ng buwaya sa banyo sa Tawi-Tawi
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-12 08:48:55
TAWI-TAWI — Isang 63-anyos na residente ang nagtamo ng sugat matapos biglang atakihin ng buwaya sa loob ng banyo ng kanyang bahay na nakatayo sa ibabaw ng dagat (stilt house) sa Barangay Karaha, Panglima Sugala, Tawi-Tawi noong gabi ng Disyembre 10.
Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pumunta lamang ang biktima sa banyo nang biglang sumulpot ang buwaya at sinakmal siya. Agad namang nakatakas ang buwaya matapos ang insidente.
Nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay ang babae at agad siyang isinugod ng kanyang pamilya sa ospital sa tulong ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-12. Sa kabutihang palad, nakaligtas siya at patuloy na nagpapagaling.
Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang insidente habang mataas ang tubig-dagat (high tide), dahilan upang makapasok ang buwaya sa ilalim ng stilt house at makalusot hanggang sa banyo.
Agad namang nagsagawa ng search operation ang mga awtoridad upang matukoy at mahuli ang buwaya na sangkot sa pag-atake. Pinayuhan din ng MDRRMO ang mga residente na mag-ingat at iwasan ang mga lugar na kilalang tirahan ng mga buwaya, lalo na tuwing high tide.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa panganib ng pamumuhay sa mga coastal areas ng Tawi-Tawi, na kilala sa pagkakaroon ng mga buwaya sa mga mangrove at dagat. Noong nakaraang taon, ilang kaso ng pag-atake ng buwaya ang naiulat sa parehong bayan, kabilang ang mga mangingisdang sinakmal habang nasa dagat.
Mariing pinaalalahanan ng mga lokal na awtoridad ang publiko na agad iulat ang anumang sightings ng buwaya upang maiwasan ang kaparehong insidente.
