Diskurso PH
Translate the website into your language:

PCG, magpapatupad ng ‘heightened alert status’ bilang paghahanda sa papalapit na holiday season

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-12 00:59:05 PCG, magpapatupad ng ‘heightened alert status’ bilang paghahanda sa papalapit na holiday season

MANILA, Philippines Inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na itataas nito ang alert status sa heightened alert level simula December 20 hanggang January 4, 2026 bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong holiday season. Bahagi ito ng mas pinaigting na seguridad at operasyon ng bansa habang inaasahan ang masikip na biyahe sa mga pangunahing pantalan sa buong kapuluan.

Ayon sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, inatasan ang lahat ng yunit ng Coast Guard na magdoble-higpit sa pagpapatupad ng safety protocols sa mga pantalan, kabilang ang masusing inspeksyon sa mga sasakyang pandagat, pagmomonitor sa weather conditions, at pagtiyak na sumusunod ang mga vessel operators sa tamang kapasidad ng pasahero.

Upang maging mas epektibo ang operasyon, inatasan ni Admiral Gavan ang PCG na makipag-ugnayan sa Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority (MARINA), at iba pang mga ahensyang nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr). Layunin nitong matiyak ang maayos na daloy ng mga pasahero at masiguro ang kaligtasan laban sa anumang insidente sa dagat.

Inaasahan ng PCG na aabot sa libu-libong biyahero ang raranas ng peak travel days pagsapit ng Kapaskuhan, lalo na ang mga uuwing mula Metro Manila patungong Visayas at Mindanao. Dahil dito, maglalatag ng karagdagang personnel, K9 units, medical teams, at rapid response groups upang tumugon sa anumang emergency. Nagpaalala rin ang PCG sa publiko na sumunod sa mga itinakdang regulasyon at agahan ang pagpunta sa mga pantalan upang maiwasan ang abala sa haba ng pila at masiguro ang ligtas na biyahe ngayong Pasko at Bagong Taon. (Larawan: PCG / Facebook)