Diskurso PH
Translate the website into your language:

Roque umapela sa DFA, kinuwestiyon ang legalidad ng passport cancellation

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-12 08:49:00 Roque umapela sa DFA, kinuwestiyon ang legalidad ng passport cancellation

MANILA — Naghain ng motion for reconsideration si dating presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng pagkakakansela ng kanyang Philippine passport, ayon sa pahayag ng kanyang opisina nitong Martes, Disyembre 9.

Sa dokumentong inihain, iginiit ni Roque na ang kanselasyon ng kanyang pasaporte ay “walang legal na batayan” at hindi siya maituturing na pugante. “There is no room for interpretation that disregarded the time element, i.e., after being charged in the Philippine court, and focusing only on the purported intention to avoid prosecution,” nakasaad sa kanyang mosyon.

Dagdag pa niya, ang kanyang pananatili sa Europa ay bahagi ng “lawful exercise of his right to apply for asylum.”

Noong Nobyembre 25, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselado na ang pasaporte ni Roque, kasunod ng utos mula sa Branch 157 ng Pasig Regional Trial Court. Kasama si Roque sa limang indibidwal na pinawalan ng DFA ng pasaporte, alinsunod sa Republic Act 11983 o New Passport Act at sa Implementing Rules and Regulations nito.

Nauna nang sinabi ng ilang senador na ang kanselasyon ng pasaporte ni Roque ay “just a matter of time,” matapos lumabas ang mga ulat na siya ay kabilang sa mga personalidad na iniimbestigahan kaugnay ng mga anomalya at kasong kriminal.

Sa ngayon, nakabinbin ang desisyon ng korte sa mosyon ni Roque. Kung hindi ito paboran, mananatiling kanselado ang kanyang pasaporte at maaari siyang maharap sa mas mabigat na legal na implikasyon.