SEN. BATO, DI MAKITA! Abogado: Dela Rosa ‘unavailable’ dahil sa banta sa seguridad
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-12 08:48:54
MANILA — Inamin ng abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na pansamantalang hindi nagpapakita sa publiko ang mambabatas dahil sa mga banta sa kanyang personal na seguridad, sa gitna ng mga ulat na may inilabas na arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni dela Rosa, na hindi maaaring kumpirmahin kung nagtatago ang senador ngunit malinaw na pinipili nitong maging “unavailable.” “Ganito po, ngayon kasi yung kanyang personal safety is at stake. Maka-speculate lamang ako kasi hindi ako makasabi for him even I am his lawyer. He is just making himself unavailable,” ani Torreon.
Dagdag pa ng abogado, wala pang malinaw na polisiya o batas sa Pilipinas kung paano haharapin ang usapin ng pagsuko sa ICC, lalo na’t sinabi ng gobyerno na gagamitin nila ang “modality of surrender” sa halip na extrajudicial enforcement.
Samantala, iniulat ng Manila Standard na ang magiging kapalaran ni dela Rosa ay nakasalalay sa Supreme Court, dahil kailangan munang resolbahin ang mga petisyon kaugnay ng ICC arrest bago ito maisakatuparan.
Ayon sa Department of Justice, hindi agad ipapadala sa The Hague ang senador kung sakaling pormal nang ilabas ang warrant, taliwas sa nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa usapin ng ICC, binatikos din ng ilang abogado at human rights groups ang matagal na pagkawala ni dela Rosa sa Senado. Ayon kay Atty. Kristina Conti, ang kanyang kawalan ay nakakaapekto sa tungkulin bilang halal na opisyal ng bayan.
Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ay isa sa mga pangunahing personalidad na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng libu-libong pagkamatay sa war on drugs noong administrasyon ni Duterte.
Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw kung nasaan si dela Rosa, ngunit iginiit ng kanyang abogado na ang pangunahing dahilan ng kanyang pagiging “unavailable” ay ang panganib sa kanyang kaligtasan.
