DepEd 2026 budget, tututok sa inklusibong edukasyon; ₱1.04B, ilalaan para sa may special needs
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 15:09:01
DISYEMBRE 14, 2025 — Pinagtibay ng Department of Education (DepEd) ang panukalang 2026 budget na nakatuon sa pagpapalakas ng mga programang pang-edukasyon para sa mga sektor na matagal nang nahaharap sa hadlang sa pag-aaral — kabilang ang mga kabataang may kapansanan, katutubo, Muslim learners, at mga kabataang nasa panganib na huminto sa pag-aaral.
Sa ilalim ng inaprubahang pondo ng Senado, nakalaan ang ₱1.04 bilyon para sa Special Needs Education (SNED) na tutugon sa mga mag-aaral na may espesyal na kondisyon. Kasunod nito, ₱897 milyon ang inilaan para sa Alternative Learning System (ALS) na inaasahang makikinabang ang mahigit 639,782 na mag-aaral sa buong bansa.
Hindi rin nakaligtaan ang Madrasah Education Program na may ₱521.62 milyon na pondo para sa 194,355 Muslim learners sa 4,046 paaralan. Samantala, ang Indigenous Peoples Education (IPEd) ay may nakalaang ₱154 milyon na susuporta sa humigit-kumulang 482,329 katutubong mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw ang direksiyon ng administrasyon: "Kasama sa mga pinakamahalagang prayoridad natin at ni President Bongbong Marcos ang pagtitiyak na mas magiging inklusibo ang ating edukasyon, para mabigyan sila ng patas at mas malawak na pagkakataong abutin ang kanilang mga pangarap."
Bukod sa pondo, binigyang-diin ng DepEd ang mga kasalukuyang inisyatiba. Sa pakikipagtulungan sa UNICEF, 400 ALS learners ang nakapagtapos sa Micro-Certification Program na nagbukas ng mas konkretong landas tungo sa trabaho at kabuhayan.
Nakipag-ugnayan din ang DepEd sa Special Olympics Pilipinas upang isulong ang inklusibong sports programs para sa mga indibidwal na may intellectual disabilities — isang hakbang na layong gawing mas makabuluhan ang partisipasyon ng lahat sa larangan ng edukasyon at komunidad.
Malinaw na ang 2026 budget ng DepEd ay hindi lamang nakatuon sa tradisyunal na sistema ng paaralan, kundi sa pagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga sektor na madalas na naiiwan. Malinaw ang mensahe: walang dapat maiwan pag dating sa edukasyon.
(Larawan: DepEd Philippines | Facebook)
