‘LRT-1 KasakaySayan,’ may hatid na aral sa bawat biyahe
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 16:04:18
DISYEMBRE 14, 2025 — Sa bawat pag-andar ng tren sa kahabaan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), kasabay na rin ang paglalakbay ng mga pasahero sa makulay na kasaysayan ng bansa. Ito ang layunin ng bagong proyekto ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na tinawag na “LRT-1 KasakaySayan” — isang makabagong paraan ng pagbabahagi ng kaalaman sa pamamagitan ng mismong biyahe sa tren.
Sa ilalim ng inisyatiba, maririnig ng mga mananakay ang maikling trivia tungkol sa mga makasaysayang tao at lugar na kaugnay ng bawat istasyon. Ang mga impormasyon ay awtomatikong ipinalalabas sa public address system ng piling Generation 4 trains, kasunod ng karaniwang anunsyo ng susunod na istasyon.
Halimbawa, sa Dr. Santos Station sa Parañaque, ipinaliliwanag na ipinangalan ito kay Dr. Arcadio Santos, gobernador ng Rizal mula 1920 hanggang 1922. Ang istasyon ay matatagpuan malapit sa Dr. A. Santos Avenue, na kilala rin bilang Sucat Road.
Ayon kay LRMC External Relations Head Atty. Elaine B. Tiu, “The LRT-1 is more than just a mode of transportation; it’s a moving historical corridor. Passing through various universities and Manila’s historic areas, we recognized an opportunity to bring history closer to the younger generation.”
(Higit pa sa transportasyon ang LRT-1; isa itong gumagalaw na pasilyo ng kasaysayan. Sa pagdaan sa iba’t ibang unibersidad at makasaysayang lugar sa Maynila, nakita namin ang pagkakataong maisalin ang kasaysayan sa kabataan.)
Ang proyekto ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng DDB Philippines at heritage advocacy group na Renacimiento Manila. Layunin nitong gawing bahagi ng pang-araw-araw na biyahe ang pag-alala sa mga bayani at makasaysayang pook.
Dagdag pa ni Jacqueline Caccam, Deputy Executive Creative Director ng DDB Philippines, “LRMC envisioned ‘LRT-1 KasakaySayan’ as a journey back to our roots — a highlight on the people and places that built the Philippines.”
(Inilaan ng LRMC ang ‘LRT-1 KasakaySayan’ bilang pagbabalik sa ating ugat — isang pagbibigay-diin sa mga tao at lugar na bumuo sa Pilipinas.)
Samantala, binigyang-diin ni Diego Torres, presidente at co-founder ng Renacimiento Manila, “The ‘LRT-1 KasakaySayan’ project greatly contributes to a deeper understanding, not only of the history of LRT-1, but also of the place names that live on through its stations.”
(Malaki ang ambag ng ‘LRT-1 KasakaySayan’ sa mas malalim na pag-unawa, hindi lamang sa kasaysayan ng LRT-1, kundi pati sa mga pangalan ng lugar na nananatili sa bawat istasyon.)
Bukod sa proyektong ito, patuloy na isinusulong ng LRMC ang turismo at kultura sa pamamagitan ng ikotMNL Heritage Transit Tour na buwanang nagdadala ng mga turista sa mga pook malapit sa linya ng LRT-1.
(Larawan: Light Rail Manila Corporation)
