Online scams, matumal ngayong Pasko — pero mga naarestong manloloko, lumolobo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 19:27:02
DISYEMBRE 14, 2025 — Naglabas ng ulat ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) nitong Linggo hinggil sa sitwasyon ng mga online scam ngayong Kapaskuhan. Ayon sa ahensya, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga kaso kumpara sa nakaraang taon, kasabay ng pagtaas ng mga naaresto.
“Although as expected na ito yung mga scams ngayong Kapaskuhan, bumaba naman talaga. In fact, bumaba yung number nung mga crimes, tumaas yung rates nung mga nahuhuli natin,” pahayag ni CICC executive director Renato Paraiso sa isang panayam.
Batay sa datos ng CICC, nananatiling pangunahing target ng mga manloloko ang online shopping. Karaniwang modus ang pag-redirect ng mga mamimili sa kahina-hinalang website upang makuha ang kanilang personal na impormasyon. May mga pagkakataon ding hindi dumarating ang inorder na produkto, o kaya’y ibang item ang ipinapadala na malayo sa ipinakita sa patalastas.
Bukod sa shopping scam, lumalaganap din ang delivery scam, travel scam, at love scam ngayong panahon ng Pasko. Ayon sa CICC, ginagamit ng mga sindikato ang social media platforms at mga sponsored sites upang palawakin ang kanilang operasyon. Sinasamantala din ang bonus at dagdag kita ng publiko na karaniwang ginagastos sa pamimili at promos.
Upang labanan ang ganitong uri ng krimen, nagpapatakbo ang CICC ng threat monitoring center na nakatutok sa pagtunton ng mga scam. Hinikayat din ng ahensya ang publiko na agad i-report ang anumang insidente sa kanilang hotline 1326 upang mas mabilis na makakilos ang mga awtoridad.
Sa kabila ng patuloy na presensya ng iba’t ibang uri ng panloloko, iginiit ng CICC na mas aktibo na ngayon ang kanilang operasyon, dahilan kung bakit mas marami ang nahuhuli. Ang pagbaba ng bilang ng scam ngayong Kapaskuhan ay nakikitang indikasyon na mas nagiging epektibo ang pagtugon ng pamahalaan laban sa cybercrime.
(Larawan: Yahoo)
