P15M ari-arian, natupok ng sunog sa Makati; 20 pamilya, lumikas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 14:42:07
DISYEMBRE 14, 2025 — Nasunog ang isang residential compound sa Barangay San Isidro, madaling araw ng Linggo, Disyembre 14, na nagresulta sa tinatayang P15 milyong halaga ng pinsala sa ari-arian at pagkakasangkot ng humigit-kumulang 20 pamilya.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Makati, nagsimula ang apoy bandang 3:08 ng madaling araw sa isang dalawang-palapag na apartment sa loob ng compound sa Marconi Street. Mabilis itong kumalat at umabot sa ikalawang alarma makalipas lamang ang ilang minuto.
“Nagkaroon tayo ng residential fire,” pahayag ni Fire Senior Inspector Rory Carl Dalmacio, fireground commander ng Bangkal Fire Station.
Umabot sa 33 trak ng bumbero ang rumesponde. Idineklara itong under control alas-5:01 ng umaga, ngunit tuluyang naapula lamang bago mag-alas-otso.
Ayon sa BFP, nahirapan ang mga bumbero dahil sa mga materyales na nasunog, kabilang ang katabing bodega na imbakan ng plastik at appliances.
“Yung apoy kasi kumalat sa kabilang establishment. Nagkataon lang talaga na medyo nahirapan tayo mag-apula dahil puro plastik ‘to. Imbakan ng mga plastik … Gayon pa man, na-fire under control natin, although nahirapan tayo … medyo matagal-tagal kasi sa nature ng combustible materials,” paliwanag ni Dalmacio.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, walang naitalang nasawi o nasugatan. Gayunman, isang alagang pusa ang namatay na hinihinalang dahil sa suffocation.
“Wala naman po tayong recorded na injured, as per list ng investigators natin,” dagdag ni Dalmacio.
Batay sa ulat, karamihan sa mga nasirang bahay ay gawa sa magagaan na materyales. At dahil may mga firewall ang mga kalapit na gusali, hindi na nadamay ang mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP-Makati sa sanhi ng sunog, ngunit lumutang ang ulat na maaaring nagmula ito sa nakaligtaang stove.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang BFP sa publiko ngayong holiday season: “Lagi nating pinapaalalahanan, lalo yung mga residential, lalo na ngayong may [mga] Christmas party, uso yung mga Christmas light, naka-on. Uso yung pagluluto, handaan. Ang pinakaimportante at paulit-ulit nating paalala, siguraduhin natin talaga na na-turn off natin yung gas stove, kung ano man ’yon.”
Sa ngayon, pansamantalang lumikas ang mga naapektuhang pamilya habang inaasikaso ang kanilang pangangailangan.
(Larawan: BFP NCR Makati City | Facebook)
