P176M halaga ng droga, nasabat sa operasyon sa Taguig
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 19:28:42
DISYEMBRE 14, 2025 — Nabuwag ng mga operatiba ng Philippine National Police–Drug Enforcement Group (PDEG) ang isang malaking daluyan ng ilegal na droga matapos masamsam ang mahigit P176 milyon halaga ng shabu at marijuana sa buy-bust operation sa Barangay Napindan, Taguig City nitong Sabado, Disyembre 13.
Limang lalaki na nasa drug watchlist ang naaresto sa Purok 5, na tinukoy ng pulisya bilang mga “high-value targets” na may papel sa distribusyon ng droga sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.
Batay sa ulat, nakumpiska ang 25.5 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P173.4 milyon, 1.77 kilo ng kush o high-grade marijuana na may halagang P2.655 milyon, at 140 piraso ng marijuana oil cartridges na nagkakahalaga ng P210,000. Sa kabuuan, umabot sa 27.27 kilo ang narekober na kontrabando.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang operasyon ay bunga ng matibay na intelligence report hinggil sa pagkalat ng droga sa pamamagitan ng maliit na grupo ng mga tulak.
“This operation is highly significant. With more than 27.27 kilos of illegal drugs taken off the streets, thousands of Filipinos were saved from illegal drug use,” aniya. “This is not just about arrests and confiscation of illegal drugs. This is also about protecting our communities, especially the youth, and enforcing the rule of law.”
(Napakahalaga ng operasyong ito. Sa mahigit 27.27 kilo ng ilegal na droga na naalis sa lansangan, libu-libong Pilipino ang nailigtas sa paggamit ng droga. Hindi lang ito tungkol sa pag-aresto at pagkumpiska ng droga. Ito rin ay tungkol sa pagprotekta sa ating mga komunidad, lalo na ang kabataan, at pagpapatupad ng batas.)
Matapos ang operasyon, tiniyak ng PDEG na maayos na na-inventory at naidokumento ang lahat ng ebidensya gamit ang alternatibong recording devices para sa transparency.
Binigyang-diin ni Nartatez na ang tagumpay ay resulta ng disiplina, paghahanda, at malinaw na direksiyon sa pagpapatupad ng polisiya. Dagdag pa niya, ang pagkakasamsam ng kontrabando ay epektibong nakapigil sa malaking supply ng droga na nakatakdang ipuslit sa Kamaynilaan.
(Larawan: Philippine News Agency)
