P33B budget sa FMR, aprubado sa 2026 bicam meeting — DA, bagong mangangasiwa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 13:58:24
DISYEMBRE 14, 2025 — Inaprubahan ng Senado at Kamara ang P33 bilyong pondo para sa farm-to-market roads (FMR) sa 2026 national budget. Ang desisyon ay nagbigay ng kapangyarihan sa Department of Agriculture (DA) na mangasiwa sa proyekto, kapalit ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mula sa orihinal na P16 bilyong alokasyon sa National Expenditure Program, tumaas nang higit doble ang pondo matapos igiit ng House contingent ang P32 bilyon. Sa huli, pumayag ang bicameral conference committee na itaas pa ito sa P33 bilyon.
Ngunit hindi naging madali ang pag-apruba. Ilang senador, kabilang sina Imee Marcos, Pia Cayetano, Loren Legarda, at Erwin Tulfo ang nagpahayag ng matinding pangamba sa paglilipat ng responsibilidad sa DA.
“The reality is we’ve shifted from one department to the next repeatedly with no significant difference. Isn’t this the very definition of insanity? Repeating it over and over again and expecting different results … I think there is some absurdity in that,” ani Marcos.
(Ang realidad ay paulit-ulit tayong lumilipat ng ahensya nang walang malinaw na pagbabago. Hindi ba ito ang mismong depinisyon ng kabaliwan? Inuulit nang inuulit at umaasang may ibang resulta … Sa tingin ko may absurdity dito.)
Dagdag pa niya, posibleng mauwi ang FMRs bilang “farm-to-pocket” roads.
Si Cayetano naman ay nagbabala laban sa biglaang pagdoble ng pondo habang nililipat pa sa bagong ahensya.
“Why would you double it at a time that you're transferring it to a new agency? It doesn't make sense,” wika niya.
(Bakit mo dodoblehin ang pondo sa oras na nililipat pa ito sa bagong ahensya? Hindi ito makatuwiran.)
Upang tugunan ang mga agam-agam, ipinaliwanag ni Senador Francis Pangilinan na magtatakda ng mga safeguard ang DA. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, transparency portal para masubaybayan ang eksaktong lokasyon ng proyekto, at citizen participatory audits.
“In addition, we will put special provisions that will be additional safeguards such as the transparency portal necessary so that at any given point, machecheck nila nasaan yung project, anong coordinates,” ani Pangilinan.
Sa kabila ng pagtutol, ipinakita ng DA ang kakayahan nitong ipatupad ang FMRs, na may 83% utilization rate noong 2025. Gayunman, nanatiling nakabinbin ang 17% ng mga proyekto dahil sa pagkaantala ng bidding.
Bukod pa rito, lumabas sa FMR Watch platform ng DA na may walong “missing” FMRs sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng P100 milyon mula 2021 hanggang 2023 ngunit hindi naipatayo.
Kasabay ng FMR budget, inaprubahan din ng bicam ang P11 bilyon para sa National Food Authority, P6.5 bilyon para sa Philippine Crop Insurance Corporation, at P4.5 bilyon para sa Philippine Fisheries Development Authority.
Sa unang pagkakataon ngayong taon, isinagawa nang bukas sa publiko ang bicam deliberations, na nilivestream upang makita ng taumbayan ang bawat pagtatalo.
Ayon kay Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian, “Yan naman ang essence (ng open bicam meeting) para alam nila ang mga projects na magiging bahagi sa budget natin. And wala nang insertions dahil kitang-kita na lahat eh.”
(Larawan: Philippine News Agency)
