Pabahay, pinagaan! Batas na magbibigay tahanan sa mas maraming Pilipino, aprubado na sa Kongreso
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 17:23:25
DISYEMBRE 14, 2025 — Sa ikatlong pagbasa, tuluyang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang Housing Loan Restructuring and Condonation Act, isang panukalang batas na naglalayong magbigay-ginhawa sa mga pamilyang Pilipino na matagal nang nabibigatan sa pabahay.
Ang hakbang na ito ay sumasaklaw sa mga pautang mula sa National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), at Philippine Guarantee Corporation (PGC).
Sa ilalim ng programa, maaaring burahin ang naipong interes, penalties, at surcharges ng mga benepisyaryo, habang ang kanilang utang ay muling aayusin sa mas mababang interes upang maging abot-kaya ang hulog kada buwan.
Isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, si Cavite 1st District Rep. Lani Mercado-Revilla, ay iginiit na layunin nitong bigyan ng patas na pagkakataon ang mga pamilyang hirap sa pagbabayad.
“Marami sa ating mga kababayan ang gustong magbayad ng tama at tapat, pero nilamon na ng interes at penalties ang kanilang utang. Ang panukalang ito ay magbibigay na pagkakataon para sa kanila na makabangon at manatili sa sariling tahanan,” ani Mercado-Revilla.
Bukod sa pagbura ng dagdag na singil, aalisin din ang mga processing fee at down payment requirement para sa mga nais mag-restructure ng loan. Maaari ring palawigin ang termino ng pagbabayad upang maiwasan ang muling pagkakautang.
Binanggit pa ng kongresista, “Hindi dapat maging habambuhay na pasanin ang pabahay. Ang bahay ay pundasyon ng dignidad at seguridad ng pamilya, lalo na para sa mga low-income earners.”
Sa kasalukuyan, nakapasa na ang panukala sa Kamara at nakabinbin ang counterpart measure sa Senado. Kapag ito’y naaprubahan, pag-iisahin ang bersyon ng dalawang kapulungan bago isumite sa Pangulo para sa pirma at tuluyang maging batas.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magbibigay ng bagong pag-asa sa libu-libong Pilipino na nanganganib mawalan ng sariling tahanan dahil sa pagkakautang.
(Larawan: Philippine News Agency)
