Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pagkalat ng HIV masusugpo sa testing, malayang diskurso sa safe sex — DOH

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-14 20:27:21 Pagkalat ng HIV masusugpo sa testing, malayang diskurso sa safe sex — DOH

DISYEMBRE 14, 2025 — Binalaan ng Department of Health (DOH) na patuloy na lumalala ang tinaguriang “silent epidemic” ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa, kasabay ng panawagan na gawing normal ang talakayan hinggil sa ligtas na pakikipagtalik at HIV testing.

Sa datos na inilatag ng DOH sa Senado nitong Disyembre 9, umabot na sa 217,700 ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay na may HIV. Ayon sa mga pag-aaral, tinatayang 61 katao ang nadaragdag araw-araw sa tala ng bagong impeksiyon.

Sa isang pagtitipon para sa World AIDS Day sa Lyceum of Alabang, iginiit ng Health Promotion Bureau Director Tina Marasigan na hindi magiging epektibo ang mga kampanya kung mananatiling tahimik ang lipunan sa usaping seksuwalidad. 

“Until such time that you’re already comfortable talking about safe sex, we’re not safe from HIV,” ani Marasigan. 

(Hangga’t hindi tayo komportable na pag-usapan ang ligtas na pakikipagtalik, hindi tayo ligtas sa HIV.)

Binanggit niya na tungkulin ng mga guro, guidance counselors, at mga health officials na magbukas ng ligtas na espasyo para sa kabataan. Ang kakulangan ng bukas na diskurso, aniya, ay nagiging hadlang sa tamang kaalaman at proteksiyon laban sa sakit.

Dagdag pa ni Marasigan, ang pagtatanong at pagbabahagi ng impormasyon ay susi sa pagbasag ng stigma. 

“It will be cool and normal to get tested. Learn to ask, and if someone does so, do not judge,” sabi niya. 

(Dapat maging normal at ‘cool’ ang magpa-test. Matutong magtanong at huwag husgahan ang nagtatanong.)

Nanawagan ang opisyal sa iba’t ibang sektor na makiisa sa pagbubuo ng kapaligirang bukas sa diskusyon. Kapag natanggal ang hiya sa pakikipag-usap tungkol sa sex, ani Marasigan, mas madali ring mawawala ang takot at diskriminasyon kaugnay ng HIV.

Sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso, iginiit ng DOH na ang pagbibigay-lakas sa publiko na magtanong, magpa-test, at magbahagi ng kaalaman ay mahalagang hakbang upang mapigil ang pagkalat ng HIV sa Pilipinas.



(Larawan: Philippine Information Agency)