Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zero balance billing, posibleng saklawin ang ilang ospital ng LGUs pagsapit ng 2026

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-14 17:37:04 Zero balance billing, posibleng saklawin ang ilang ospital ng LGUs pagsapit ng 2026

DISYEMBRE 14, 2025 — Sa gitna ng pagpupulong ng Bicameral Conference Committee, nakapaloob ang P1 bilyong pondo para sa pagpapalawak ng zero balance billing program na maaaring magbigay benepisyo sa piling ospital ng mga lokal na pamahalaan (LGU) sa taong 2026, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, malaking hakbang ang ginawa ng Senado sa paglalagay ng pondo para sa naturang programa. 

“Nagpapasalamat kami sa Senate kasi sila ang nagpasok ng Zero Balance Billing Expansion to Local Government Unit hospitals. Sa diskusyon kagabi, mukhang magkakaroon ng P1 billion,” aniya sa isang panayam. 

Ipinaliwanag ni Domingo na sa halagang inilaan, maaaring masaklaw ang mga Level 3 LGU hospitals. 

“Hindi pa tapos ang bicam. Kami ay nagdadasal na sana madagdagan, pero kung hindi madagdagan, mga 6 hanggang 8 na probinsiya, puwedeng pakyawin 'yung kama ng kanilang level 3 hospitals tapos 'yun na 'yung magiging zero balance billing,” dagdag niya. 

Kabilang sa mga tinukoy na posibleng mapabilang sa pilot implementation ang Sarangani, Laguna, Aklan, Benguet, at tinitingnan din ang Pampanga, Bataan, at Quezon.

Bagama’t target ng DOH ang P29 bilyong pondo para sa mas malawak na saklaw, sinabi ni Domingo na sapat na ang P1 bilyon upang masubukan ang programa sa 2026.

Batay sa datos ng Malacañang, mahigit 1,078,000 Pilipino na ang nakinabang sa zero balance billing sa loob ng apat na buwan. Sa ilalim ng polisiya, sakop ng PhilHealth ang buong gastusin ng pasyente kung sila ay naka-admit sa basic ward accommodation.



(Larawan: Presidential Communications Office)