Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alam mo ba? Mga magulang na pinapayagan ang menor de edad na anak na magmaneho, maaaring managot sa batas

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-19 23:21:06 Alam mo ba? Mga magulang na pinapayagan ang menor de edad na anak na magmaneho, maaaring managot sa batas

MANILA, Philippines — Nagpaalala ang mga legal expert at road safety advocates na maaaring managot sa ilalim ng batas ang mga magulang o guardian na pinapahintulutan ang kanilang mga anak na menor de-edad na magmaneho ng sasakyan o magmotor, lalo na kung mauuwi ito sa aksidente na nagdudulot ng pinsala, kapahamakan, o pagkamatay.

Ayon sa mga eksperto, maaaring sampahan ng kasong negligence o kapabayaan ang mga magulang kung mapapatunayang pinayagan nila ang isang menor de-edad—na walang sapat na gulang, lisensya, at kakayahang magmaneho—na mag-operate ng sasakyan. Kapag nagresulta ito sa pagkasira ng ari-arian, pagkasugat, o pagkamatay ng ibang tao, maaaring managot ang magulang sa danyos at iba pang kaukulang parusa.

Dagdag pa rito, maaari ring pumasok ang usapin ng Child Abuse sa ilalim ng Republic Act 7610, at maging Violence Against Women and Children (VAWC) kung mapapatunayang inutusan o pinilit ng magulang ang menor de-edad na magmaneho, at ito ay nauwi sa aksidenteng ikinapahamak ng bata. Ang ganitong aksyon ay itinuturing na paglalagay sa bata sa mapanganib na sitwasyon na maaaring makasira sa kanyang kaligtasan at kapakanan.

Ipinunto rin na malinaw sa batas-trapiko na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng mga menor de-edad, at responsibilidad ng mga magulang na pigilan ito. Ang pagpapabaya umano ng ilan ay hindi lamang paglabag sa batas, kundi isang seryosong panganib sa kaligtasan ng publiko. Nanawagan ang mga awtoridad sa mga magulang na pairalin ang disiplina at responsableng paggabay sa kanilang mga anak. Anila, ang pagprotekta sa buhay at kinabukasan ng mga kabataan ay nagsisimula sa loob ng tahanan, at hindi dapat isugal ang kaligtasan ng bata at ng iba sa kalsada dahil sa kapabayaan. (Larawan: The Hands India)