Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alcantara, nagsauli muli ng pera sa DOJ — P181M, kabuuang naibalik sa ngayon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-21 12:37:19 Alcantara, nagsauli muli ng pera sa DOJ — P181M, kabuuang naibalik sa ngayon

DISYEMBRE 19, 2025 — Muling nagbalik ng milyon-milyong pisong kickbak si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa Department of Justice (DOJ), bilang ikalawang bahagi ng kabuuang P300 milyon mula sa flood control projects.

Ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, umabot sa P71,379,500 ang pinakahuling halagang naiturn-over sa pamahalaan. Noong Nobyembre, una nang nagsauli si Alcantara ng P110 milyon, kaya’t ang kabuuang naibalik na ay P181,379,500.

Gayunman, nananatili pa ang obligasyon ni Alcantara na ibalik ang natitirang P118,620,500 alinsunod sa memorandum of agreement na kanyang nilagdaan sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ.

Ipinaliwanag ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na hindi agad maisasauli ang buong halaga dahil sa mga freeze order ng Court of Appeals sa ilang account. 

“It will really take a while,” aniya. 

(Talagang matatagalan.)

Dagdag pa niya, “It does not mean that because there is an obligation to return, you have to return everything immediately.” 

(Hindi ibig sabihin na dahil may obligasyon na magbalik, kailangan agad ibalik ang lahat.)

Sa kabila ng mabigat na kasong kinakaharap, binigyan si Alcantara ng pansamantalang proteksiyon sa ilalim ng WPP. 

Ayon kay Fadullon, “Alcantara now qualifies as a state witness.” 

(Kwalipikado na ngayon si Alcantara bilang saksi ng estado.)

Batay sa Republic Act 6981, kapag nakumpleto ang pagsunod sa kasunduan, maaaring hindi na siya maisama sa mga kaso kung ang mga ito ay nasa DOJ pa lamang. Kapag nasa korte na, hihilingin ng piskal na siya’y maalis sa sakdal at tuluyang ma-discharge bilang state witness.

Si Alcantara ang kauna-unahang opisyal na nagsauli ng perang nakuha mula sa flood-control kickbacks na ngayon ay patuloy na binabantayan ng publiko.



(Larawan: Philippine News Agency)