Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Ruanto, nanawagan sa DPWH na tapusin ang mga nakabinbing proyekto sa Infanta

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-19 22:56:05 Mayor Ruanto, nanawagan sa DPWH na tapusin ang mga nakabinbing proyekto sa Infanta

INFANTA, Quezon — Muling nanawagan si Infanta Mayor L.A. Ruanto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang tapusin ang mga nakabinbing proyekto sa bayan, partikular ang mga bahagi ng national highway na matagal nang sira at patuloy na nagdudulot ng perwisyo sa mga motorista at residente.

Ayon sa alkalde, paulit-ulit na nilang ipinapaabot sa DPWH ang kalagayan ng mga kalsadang nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng pambansang pamahalaan. Gayunman, nananatili umanong hindi naaaksyunan ang mga ito kahit may nakalaan nang pondo at inaasahang matatapos sana ngayong 2025.

Ipinaliwanag ni Mayor Ruanto na ang pagkaantala ng mga proyekto ay bunsod ng kautusan ng pamunuan ng DPWH na pansamantalang itigil ang lahat ng road reblocking activities. Matatandaang inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon ang indefinite suspension ng naturang mga proyekto kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian at reklamo ng publiko hinggil sa paulit-ulit na pagkukumpuni ng mga kalsadang maayos pa ang kondisyon.

Nilinaw rin ng alkalde na hindi maaaring akuin ng lokal na pamahalaan ang pagkukumpuni ng mga naturang kalsada dahil saklaw ang mga ito ng national government. Dagdag pa niya, hindi rin pinahihintulutan ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng pondo ng LGU para sa pagkukumpuni ng national roads, kahit pa matagal nang reklamo ng publiko ang kalagayan ng mga ito.

Partikular na binanggit ni Mayor Ruanto ang Banugao–Pilaway Road, na aniya’y isa sa matagal nang problema ng mga motorista at residente ng Infanta. Dahil sa mga lubak at sirang bahagi ng kalsada, naaantala ang biyahe at nalalagay sa peligro ang kaligtasan ng mga gumagamit nito. Umaasa ang pamahalaang lokal at mamamayan ng Infanta na agarang tutugunan ng DPWH ang kanilang panawagan upang maibsan ang hirap ng publiko at matiyak ang maayos, ligtas, at episyenteng daloy ng trapiko sa bayan. (Larawan: Mayor L.A. Ruanto / Facebook)