Diskurso PH
Translate the website into your language:

REINA tricycle transport system, inaprubahan ng Real, Infanta at General Nakar

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-19 22:48:52 REINA tricycle transport system, inaprubahan ng Real, Infanta at General Nakar

QUEZON PROVINCE Pormal nang naitatag ang REINA Tricycle Transport System (REINA TTS) matapos lagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) ng tatlong bayan ng Real, Infanta, at General Nakar. Layunin ng kasunduang ito na ayusin at pag-isahin ang sistema ng pamasahe at ruta ng mga tricycle upang matiyak ang makatarungan at malinaw na singil sa mga pasahero, gayundin ang pag-iwas sa doble o labis na pamasahe dulot ng palipat-lipat na sakay sa magkakaibang bayan.

Ayon kay Mayor L.A. Ruanto, ipinatutupad sa ilalim ng REINA TTS ang “One Strike Policy,” kung saan ang mga tricycle na bumibiyahe mula Real patungong Infanta at mula General Nakar patungong Infanta ay direktang biyahe lamang at mahigpit na ipinagbabawal ang pag-pick up ng pasahero sa gitna ng ruta. Aniya, mahalaga ang patakarang ito upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga TODA members ng Infanta at mapanatili ang kaayusan at episyente ng transportasyon sa tatlong bayan.

Matagal nang isyu sa lugar ang hindi pagkakaunawaan sa pamasahe at ruta ng mga tricycle na umabot pa sa Sangguniang Panlalawigan, bago tuluyang naresolba sa pamamagitan ng kasunduang ito. Inaasahan na ang REINA TTS ay magdudulot ng mas maayos na biyahe, mas malinaw na regulasyon, at mas magandang karanasan para sa mga commuter. Kasabay ng REINA TTS, nilagdaan din ang MOA para sa Interlocal Health Zone II o REINAPAN ILHZ, na naglalayong palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pooling ng human, technical, financial, at material resources ng tatlong bayan. Malugod namang tinanggap ng mga residente ang mga inisyatibang ito, na itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa mas organisado, episyente, at makataong serbisyo publiko sa silangang bahagi ng lalawigan ng Quezon. (Larawan: Facebook)