Diskurso PH
Translate the website into your language:

Viral selfie ng driver bago mamatay si Cabral, legit ayon sa DILG

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-20 19:37:43 Viral selfie ng driver bago mamatay si Cabral, legit ayon sa DILG

QUEZON CITY — Kinumpirma ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang viral selfie na kumakalat sa social media na nagpapakita sa driver ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral ay tunay at kuha mula sa cellphone ng naturang driver bago ang insidente ng pagkamatay ng opisyal.

Ayon kay Remulla, “Meron (photo) nakuha yun sa telephone ng driver niya, that’s verified. During the morning nung bumaba siya ng 8 o’clock kung hindi ako nagkakamali,” pahayag niya sa panayam.

Batay sa imbestigasyon, kuha ang larawan bandang alas-8 ng umaga noong Disyembre 18, 2025, bago bumiyahe sina Cabral at ang kanyang driver patungong Baguio City at bago sila nag-check in sa isang hotel. Ang selfie ay nagpapakita sa driver na nakaupo sa gilid ng Kennon Road, na ngayon ay bahagi ng ebidensiya sa masusing imbestigasyon ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI).

Matatandaang natagpuan si Cabral na wala nang buhay sa Bued River sa Tuba, Benguet matapos umano’y mahulog ang kanyang minamanehong sasakyan mula sa bangin na may lalim na 20 hanggang 30 metro. Dinala siya sa ospital ngunit idineklara ring patay madaling araw ng Disyembre 19.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP, NBI, at Ombudsman upang matukoy ang eksaktong dahilan ng insidente. Kasama sa mga tinitingnang anggulo ang posibleng kaugnayan ng driver, na ngayon ay itinuturing na “person of interest” sa kaso.

Contributed Photo