Labi ni ex-DPWH Usec Cabral, ibinaba na sa Maynila; initial autopsy report, inilabas na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-21 12:39:27
DISYEMBRE 21, 2025 — Dumating na sa Metro Manila nitong Linggo ng madaling-araw ang labi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral, matapos ang ilang araw ng imbestigasyon at matinding usapin kaugnay ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa tala ng pulisya, umalis ang kanyang labi mula Benguet bandang 11:30 ng gabi ng Sabado at dumating sa Maynila alas‑3:21 ng madaling-araw. Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang bangkay na natagpuan sa Tuba, Benguet ay kay Cabral, batay sa resulta ng fingerprint at DNA tests.
“Yes, DNA, fingerprints results are consistent na siya ‘yun,” ani Remulla.
Kasabay ng pagdating ng labi, inilabas na rin ang paunang ulat ng autopsy. Sa hiwalay na panayam, binigyang-diin ni Remulla na walang indikasyon ng foul play sa isinagawang pagsusuri.
“‘Yung autopsy po ay number one, no signs of foul play. Wala pong ligature marks, wala pong sinakal, wala pong gunshot wound, wala rin pong knife wounds. So ang kanyang cause of death as determined by autopsy is blunt force trauma from the fall,” pahayag ng kalihim.
Natagpuan si Cabral noong Disyembre 18 sa ibaba ng Kennon Road, malapit sa Bued River, matapos niyang utusan ang kanyang driver na iwan siya sa gilid ng kalsada. Idineklara siyang patay kinabukasan, Disyembre 19.
Batay sa forensic examination, nagtamo siya ng matinding pinsala — basag na mukha, sugat sa ulo, bali sa tadyang na tumagos sa loob, at bali sa mga paa — na pawang tugma sa matinding pagbagsak.
Ang kanyang biglaang pagkamatay ay nagdulot ng matinding interes ng publiko, lalo’t si Cabral ay nasasangkot sa mga imbestigasyon hinggil sa umano’y iregularidad sa multi-bilyong pisong flood control projects. Nakatakda sanang iakyat ng Department of Justice sa Ombudsman ang kasong plunder na may kaugnayan sa mga proyekto sa Bulacan bago ang kanyang pagkamatay.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na ang reklamo ay tumutukoy sa ilang opisyal ng DPWH at mga indibidwal na posibleng nakinabang sa naturang proyekto.
Samantala, nanawagan ang pamilya ni Cabral ng respeto at pag-iingat sa mga lumalabas na haka-haka. Sa pahayag ng kanyang abogado na si Mae Divinagracia, iginiit ng pamilya na walang batayan ang mga panawagang kumpiskahin ang kanyang personal na gamit o magsagawa pa ng karagdagang DNA test.
“A life has been lost, and this is neither the time nor the occasion to rush to extract answers from the personal effects of the deceased,” ani Divinagracia.
(Isang buhay ang nawala, at hindi ito ang panahon para kumuha ng mga sagot mula sa personal na gamit ng namatay.)
Dagdag pa ng pamilya, walang kasong kriminal o administratibo laban kay Cabral na magbibigay-dahilan para sa ganoong hakbang. Mariin din nilang itinanggi ang mga paratang na peke ang kanyang pagkamatay.
Sa kabila ng lahat, nananatiling nakatuon ang pamilya sa pagbibigay ng tahimik at marangal na paglilibing kay Cabral, na higit apat na dekada ring naglingkod sa DPWH bilang inhinyero at opisyal.
(Larawan: Senate of the Philippines| Facebook)
