Nawawalang bride-to-be namumrublema sa pera dahil sa pagpapagamot sa ama, gastos sa kasal — QCPD
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-21 16:25:54
DISYEMBRE 21, 2025 — Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa pagkawala ng bride-to-be na si Sherra De Juan, na iniulat na hindi na muling nakita matapos lumabas noong Disyembre 10 upang bumili ng sapatos para sa kasal na nakatakda sana noong Disyembre 14.
Ayon kay QCPD District Director Police Colonel Randy Glenn Silvio, lumabas sa digital forensic examination ng mga electronic device ni De Juan na may indikasyon ng emosyonal at pinansyal na problema bago siya mawala.
“Based on the digital forensic examination, it appears that Ms. Sherra is facing emotional distress and financial problems due to her father’s medical condition and financial problems for her forthcoming wedding,” ani Silvio.
(Batay sa digital forensic examination, lumalabas na si Ms. Sherra ay nakararanas ng emosyonal na hirap at pinansyal na problema dahil sa kondisyon ng kalusugan ng kaniyang ama at gastusin sa nalalapit na kasal.)
Dagdag pa ng pulisya, nakita sa mga gadget ni De Juan ang sensitibong online searches kaugnay ng gamot bago ang kaniyang pagkawala.
Gayunman, mariing itinanggi ng fiancé na si Mark Arjay Reyes ang ulat ng pulisya.
“Yung sa father niya po, Ma’am, lahat po ’yun covered po ng HMO niya … wala kaming gastos diyan ni piso,” wika ni Reyes.
Tiniyak din niyang maayos ang kanilang budget para sa kasal.
“Sobra-sobra po kami ng budget sa kasal. Hindi po siya financially distressed,” dagdag niya.
Ipinaliwanag pa ni Reyes na ang mga online searches ay maaaring kaugnay lamang ng problema sa acidity.
“So parang sine-search niya ’yun kasi baka delikado ’pag ininom niya ’yung madaming gamot kapag may acid siya,” aniya.
Sa kabila ng magkaibang pahayag, iginiit ng QCPD na patuloy ang masusing imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa pamilya at iba pang ahensya. Nananawagan din ang pulisya sa publiko na agad magbigay ng impormasyon kung may nakakita kay De Juan.
Nakalaan pa rin ang ₱150,000 pabuya para sa makapagbibigay ng detalye na makatutulong sa paghahanap sa nawawalang bride-to-be.
(Larawan: Mark Arjay Reyes | Facebook)
