Diskurso PH
Translate the website into your language:

Christmas party nauwi sa trahedya: Bata nahulog sa school building

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-22 09:28:55 Christmas party nauwi sa trahedya: Bata nahulog sa school building

MUNTINLUPA CITY — Isang Grade 3 na mag-aaral ang nagtamo ng malubhang pinsala matapos mahulog mula sa gusali ng Bayanan Elementary School Unit 1 sa Barangay Bayanan, Muntinlupa noong Disyembre 19, 2025. Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, ang insidente ay naganap habang ginaganap ang Christmas party ng paaralan.

Batay sa pahayag ng pamunuan ng paaralan, pumasok ang bata sa isang saradong bahagi ng ikalawang palapag kung saan may bukas na daanan pababa sa unang palapag. Dahil dito, nahulog ang bata at agad na nagtamo ng pinsala. 

“On December 19, 2025, an incident occurred involving a Grade 3 pupil during the school’s Christmas party. School personnel responded immediately to ensure the child’s safety, and the pupil was promptly transported to a nearby hospital,” ayon sa opisyal na pahayag ng Bayanan Elementary School Unit 1.

Agad na isinugod ang bata sa isang pribadong ospital at kasalukuyang naka-confine habang naghahanda para sa operasyon. Sa ulat ng Abante Tonite, itinanggi ng pamunuan ng paaralan ang mga alegasyon ng kapabayaan at iginiit na mabilis at maayos ang naging aksyon ng kanilang mga guro at kawani upang masiguro ang kaligtasan ng bata.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa pamunuan ng Bayanan Elementary School upang magsagawa ng imbestigasyon at palakasin ang mga safety protocol sa mga paaralan. Ayon sa DepEd, sisiguraduhin nilang hindi na mauulit ang ganitong insidente at paiigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ang insidente ay nagdulot ng pangamba sa mga magulang at komunidad, lalo na’t naganap ito sa panahon ng kasiyahan ng mga bata. Gayunpaman, tiniyak ng pamunuan ng paaralan at ng DepEd na patuloy nilang paiigtingin ang seguridad at kaligtasan sa loob ng mga gusali ng paaralan.