6 sa 10 Pinoy mawawalan ng tiwala kay Marcos Jr. kung may droga, survey
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-23 07:31:31
MANILA — Anim sa bawat sampung Pilipino ang nagsabing mawawalan sila ng tiwala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung mapatutunayang gumagamit siya ng ilegal na droga, batay sa Pahayag End of the Year 2025 survey ng Publicus Asia.
Ayon sa resulta ng survey na isinagawa mula Disyembre 7 hanggang 10, 62 porsyento ng mga botante ang nagsabing “completely lose trust” sila sa Pangulo kung mapatunayang totoo ang alegasyon ng paggamit ng droga, habang 38 porsyento naman ang nagsabing patuloy pa rin nila itong susuportahan.
Dagdag pa sa ulat, 84 porsyento ng mga respondent ang naniniwalang ang paggamit ng droga ay makakaapekto sa kakayahan ng isang opisyal ng gobyerno na epektibong mamuno.
Ang survey ay isinagawa matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Senadora Imee Marcos noong Nobyembre 17 sa isang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) laban sa korapsyon, kung saan sinabi niyang gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang kapatid na si Pangulong Marcos Jr., gayundin ang First Lady Liza Marcos at ang kanilang anak na si Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Sa kabila ng mga panawagan mula sa mga kritiko, kabilang si Vice President Sara Duterte, na sumailalim sa hair follicle drug test, nanindigan ang Pangulo na wala itong kinalaman sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng bansa. Hanggang ngayon ay patuloy niyang iniiwasan ang direktang pagsagot sa alegasyon.
Ang isyu ay nagdulot ng matinding diskusyon sa publiko at sa larangan ng politika, lalo na’t nakikita ng marami na maaaring maapektuhan ang kredibilidad ng administrasyon kung hindi agad masagot ang mga alegasyon.
