Code White Alert! Mga ospital naka-full alert sa Pasko, Bagong Taon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-23 07:31:26
MANILA — Nasa Code White Alert ang lahat ng ospital ng pamahalaan sa bansa bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga kaso ng karamdaman at pinsala ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang Code White Alert ay nangangahulugang nakaantabay ang mga ospital para sa agarang pagresponde sa mga emerhensiya, kabilang ang mga insidente ng aksidente, trauma, at iba pang sakit na karaniwang tumataas tuwing holiday season.
Sa ilalim ng alerto, inatasan ang mga ospital na magtalaga ng sapat na bilang ng medical personnel na naka-duty at handang rumesponde sa anumang sitwasyon. Dagdag pa ng DOH, nakahanda rin ang mga pasilidad para sa mabilis na pagproseso ng mga pasyente at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan.
Binanggit ng ahensya na karaniwang tumataas ang bilang ng mga kaso ng aksidente sa kalsada, firecracker-related injuries, at iba pang trauma tuwing Pasko at Bagong Taon. Kaya’t mahalaga ang maagang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na iwasan ang paggamit ng paputok at sumunod sa mga safety protocols upang maiwasan ang pinsala. Hinihikayat ang mga pamilya na magdiwang nang ligtas at responsable ngayong holiday season.
