Discaya at 8 co-accused, naghain ng mosyon para mailipat sa NBI
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-23 07:31:27
MANILA — Naghain ng urgent motion sa korte ang contractor Cezarah “Sarah” Discaya at ang kanyang walong co-accused upang sila ay muling mailipat sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos silang dalhin sa Lapu-Lapu City Jail kaugnay ng kasong graft at malversation sa P96.5-milyong flood control project sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari, ang kampo ni Discaya ay humiling na ibalik siya sa NBI detention facility. “The individuals accused in one of the flood control cases, including Discaya, have filed an urgent motion asking the court to place them under the NBI custody,” ani Mallari.
Dagdag pa ng abogado, humiling din si Discaya na payagan siyang dumalo sa mga pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing kung sakaling maaprubahan ang mosyon. “Minention po niya na [s]he wants to be detained sa Pasay City Jail,” ayon kay Mallari.
Kasama ni Discaya sa mosyon ang walong co-accused, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na nahaharap din sa parehong kaso. Ang korte ay nag-utos sa Office of the Ombudsman–Visayas at sa NBI na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10 araw hinggil sa mosyon.
Si Discaya ay naaresto ng NBI noong Disyembre 18, 2025 matapos ilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga warrant of arrest laban sa kanya at siyam na iba pa. Ang proyekto, na fully paid ngunit hindi naipatayo, ay naging sentro ng kasong graft at malversation na isinampa ng Ombudsman.
Noong Disyembre 19, si Discaya at ang kanyang mga co-accused ay dinala sa Cebu at kalaunan ay inilipat sa Lapu-Lapu City Jail matapos ang medical examination at commitment order. Nilinaw ng NBI-7 na walang “special treatment” na ibibigay sa kanila habang nasa kulungan.
Sa ngayon, nakabinbin ang desisyon ng korte kung pagbibigyan ang mosyon ni Discaya at ng kanyang mga co-accused na muling mailipat sa NBI custody.
