Flood control detainees, sa Senado magpa-Pasko
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-23 11:54:29
DISYEMBRE 23, 2025 — Hindi pinayagan ng Senado ang kahilingan ng apat na nakakulong na personalidad na makalabas ngayong Kapaskuhan kaugnay sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects. Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na tinanggihan ni Senate President Vicente Sotto III ang hiling na furlough nina kontraktor Pacifico “Curlee” Discaya II at dating mga inhenyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Henry Alcantara.
Ayon kay Lacson, ang desisyon ay nakabatay sa banta ng pagtakas lalo na’t may mga pahayag mula sa Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilalabas ang mga arrest warrant bago mag-Pasko.
"I recommended to the Senate President that their request for Christmas furlough be denied mainly for security reasons, owing to the repeated media statements from Ombudsman Jesus Crispin Remulla and President Ferdinand Marcos, Jr. that arrest warrants against them will be issued before Christmas," ani Lacson.
(Inirekomenda ko sa Senate President na tanggihan ang kanilang kahilingan para sa Christmas furlough dahil sa usaping pang-seguridad, lalo na’t paulit-ulit na sinasabi ng Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilalabas ang arrest warrants bago mag-Pasko.)
Dagdag pa niya, "So the risk of escape becomes greater — not to mention that it makes no sense to grant such requests for Christmas leave if indeed warrants are coming out by then."
(Mas tumataas ang panganib ng pagtakas — at wala ring saysay na payagan ang Christmas leave kung lalabas na nga ang mga warrant.)
Pinahintulutan lamang ang apat na dumalo sa misa sa loob ng Senado at makapiling ang kanilang pamilya sa mismong gusali.
"That’s the most that we can allow given the circumstances," ani Lacson.
(Iyan na ang pinakamataas na maaaring ipahintulot sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan.)
Ang apat ay idineklarang in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee matapos tumangging makipagtulungan sa imbestigasyon. Si Discaya ay nahuling nagsinungaling sa pagdinig, habang sina Hernandez, Mendoza, at Alcantara ay kapwa pinatawan ng contempt sa magkakahiwalay na petsa noong Setyembre.
Umaasa si Lacson na matutupad ng Ombudsman ang pangakong magsampa ng kaso bago matapos ang taon upang magbigay ng malinaw na mensahe laban sa kawalan ng pananagutan.
(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)
