Listahang hawak ni Leviste, isang tao lang ang makakapagpalantad
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-23 11:52:32
DISYEMBRE 23, 2025 — Nagpahayag si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ng kahandaang ilantad ang umano’y listahan ng mga tagapagtaguyod ng “insertions” sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngunit malinaw ang kondisyon ng bagitong kongresista: tanging si DPWH Secretary Vince Dizon ang dapat magbigay ng pahintulot bago ito mailabas sa publiko.
Ang usapin ay uminit matapos matagpuan ang bangkay ng dating DPWH undersecretary Maria Catalina Cabral sa isang bangin sa Benguet ilang araw bago ang pahayag ni Leviste. Ayon sa mambabatas, si Cabral mismo ang nag-abot sa kanya ng mga dokumento noong Setyembre 4.
“DPWH undersecretary Catalina Cabral gave me files listing the proponents of DPWH insertions of the whole country on Sept. 4, after Secretary Vince Dizon told her on the phone to release them to me in the interest of transparency,” ani Leviste.
(Ibinigay sa akin ni DPWH undersecretary Catalina Cabral ang mga file na naglilista ng mga tagapagtaguyod ng DPWH insertions sa buong bansa noong Setyembre 4, matapos siyang tawagan ni Secretary Vince Dizon na ipalabas ito sa akin para sa transparency.)
Binanggit ni Leviste na ang mga dokumento ay hindi lamang tumutukoy sa mga proyekto ng mga kongresista at senador, kundi pati na rin sa ilang opisyal ng ehekutibo at pribadong indibidwal.
“They list proponents of flood control and other DPWH projects from the whole government – not only congressmen and senators, but also people from the executive, including secretaries and undersecretaries outside DPWH, as well as private individuals,” paliwanag niya.
(Nakalista rito ang mga tagapagtaguyod ng flood control at iba pang proyekto ng DPWH mula sa buong pamahalaan – hindi lang mga kongresista at senador, kundi pati mga opisyal ng ehekutibo, kabilang ang mga kalihim at undersecretary sa labas ng DPWH, gayundin ang mga pribadong tao.)
Noong Nobyembre, ipinakita na ni Leviste ang mga file sa ICI at sa Ombudsman, na ayon sa kanya ay nakikitang mahalaga sa kanilang imbestigasyon. Gayunman, iginiit niyang hindi siya magpapasya nang mag-isa.
“Since then, many have asked for the late USec Cabral’s files to be released to the public. I will await the DPWH’s position on this, and I will release them if Sec Vince tells me to,” dagdag niya.
(Mula pa man noon, marami na ang humiling na ilabas sa publiko ang mga file ni yumaong USec Cabral. Hihintayin ko ang posisyon ng DPWH dito, at ilalabas ko ito kung sasabihin ni Sec Vince.)
Sa gitna ng kontrobersya, nanawagan si Leviste na tiyakin ang kaligtasan ng mga tauhan ng DPWH na may hawak ng kopya ng mga dokumento at ang pangangalaga sa mga file. Para sa kanya, ang desisyon ay dapat manggaling sa pamunuan ng DPWH upang hindi maapektuhan ang kanyang trabaho sa Kongreso.
(Larawan: Leandro Legarda Leviste | Facebook)
