Ombudsman, inutusan ang DPWH na isuko ang electronic devices ng dating Undersecretary Cabral
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-23 00:24:03
MANILA, Philippines — Naglabas na ng subpoena duces tecum ang Office of the Ombudsman na nag-uutos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-turnover ang lahat ng electronic devices na dating inisyu kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang mga naturang device ay sasailalim sa masusing forensic examination ng isang law enforcement agency. Layunin ng pagsusuri na matukoy kung may datos na binago, binura, o pinakialaman matapos unang sumiklab sa publiko ang kontrobersyal na Flood Control Scandal.
Sinabi ni Clavano sa isang mensahe sa media ngayong Lunes, Disyembre 22, na mahalaga ang hakbang na ito upang mapanatili ang integridad ng ebidensya at masiguro ang buong pananagutan ng mga sangkot sa isyu.
Ang subpoena ay bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng mga alegasyon ng iregularidad at posibleng katiwalian sa mga flood control projects ng ahensya. Inaasahang makatutulong ang digital forensic analysis upang matukoy kung may komunikasyon, dokumento, o files na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa paggamit ng pondo ng pamahalaan. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DPWH kung kailan nila isusuko ang mga nasabing kagamitan, habang patuloy namang binabantayan ng publiko ang magiging resulta ng imbestigasyon.
