President Remulla? Jonvic, nagpahiwatig na tatakbo sa pagka-presidente sa 2028
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-23 09:37:32
DISYEMBRE 23, 2025 — Nagbigay ng matinding pahiwatig si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na posibleng sumabak siya sa halalan sa 2028 para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Sa panayam sa ANC, binigyang-diin ni Remulla na ang kanyang desisyon ay nakadepende sa magiging anyo ng laban.
“If it’s not me, it can be (Public Works Secretary) Vince Dizon. It can be anyone. It can be Senator Chiz (Escudero), but it has to be one-on-one,” aniya.
(Kung hindi ako, puwede si Public Works Secretary Vince Dizon. Puwede kahit sino. Puwede si Senador Chiz Escudero, pero dapat one-on-one.)
Ayon kay Remulla, mahalaga na makita ng taumbayan ang malinaw na pagkakaiba ng pamamahala ng mga kandidato.
“I think it should be a dichotomy – the Philippines will have to choose between one version of how to govern and one version of the truth,” giit niya.
(Sa tingin ko dapat may malinaw na paghahati – kailangang pumili ang Pilipinas sa pagitan ng isang bersyon ng pamamahala at isang bersyon ng katotohanan.)
Dagdag pa niya, ang mga botante ay dapat mailantad sa dalawang magkaibang pananaw upang makapili ng kinabukasang kapani-paniwala.
“The Philippines has to choose a common future that they think is believable. The voters have to be shown a contrast between the two candidates. I think that is important,” wika niya.
(Kailangang pumili ang Pilipinas ng kinabukasang sa tingin nila ay kapani-paniwala. Dapat ipakita sa mga botante ang malinaw na pagkakaiba ng dalawang kandidato. Sa tingin ko mahalaga iyon.)
Bago italaga ni Pangulong Marcos bilang kalihim ng DILG, nagsilbi si Remulla bilang gobernador ng Cavite sa loob ng tatlong termino.
Gayunman, nilinaw ni Remulla na hindi pa tiyak ang kanyang desisyon at nakasalalay pa ito sa pahintulot ng kanyang asawa.
“It’s a possibility. No conclusion yet, but it is a possibility,” pahayag niya.
(Posibilidad ito. Wala pang konklusyon, pero posibilidad ito.)
(Larawan: YouTube)
