Sen. Robin Padilla sa ICC: Gumagana ang hustisya sa Pilipinas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-23 07:31:30
MANILA — Ipinagdiinan ni Senador Robin Padilla sa International Criminal Court (ICC) na gumagana ang sistema ng hustisya sa Pilipinas, matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang hatol na murder laban sa tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian delos Santos sa Caloocan City noong 2017.
Sa kanyang Facebook post nitong Lunes, Disyembre 22, ibinahagi ni Padilla ang desisyon ng Korte Suprema at diretsahang nagbigay ng mensahe sa ICC. “To the International Criminal Court, the Philippine justice system is working—now, and it has always been working. I know this not as theory, but through lived experience,” ani Padilla.
Dagdag pa ng senador, ang naturang desisyon ay patunay na may kakayahan ang mga korte sa bansa na magbigay ng hustisya sa mga biktima ng karahasan. “This is proof that our courts can deliver justice, even in cases that have drawn international attention,” giit niya.
Ang kaso ni Kian delos Santos ay isa sa mga pinakatampok na insidente noong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, na naging sentro ng imbestigasyon ng ICC. Sa desisyon ng Korte Suprema, pinagtibay ang hatol na guilty laban sa tatlong pulis na sangkot sa pamamaril.
Binanggit ni Padilla na hindi dapat ipagwalang-bahala ang kakayahan ng sistemang hudisyal ng Pilipinas. “We have our own functioning justice system. We do not need foreign intervention to prove that justice can be served here,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ni Padilla ay kasunod ng patuloy na usapin hinggil sa ICC at sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng nakaraang administrasyon. Nanindigan ang senador na dapat igalang ang soberanya ng bansa at kilalanin ang kakayahan ng mga institusyon nito.
