Diskurso PH
Translate the website into your language:

Historic win ni Alex Eala sa US Open bigong pigilan ni Clara Tauson

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-25 15:33:36 Historic win ni Alex Eala sa US Open bigong pigilan ni Clara Tauson

NEW YORK — Isinulat ni Alex Eala ang kasaysayan sa mundo ng tennis matapos niyang talunin ang World No. 15 na si Clara Tauson ng Denmark sa kaniyang unang laban sa main draw ng US Open noong Linggo (Lunes ng madaling araw sa Pilipinas), sa iskor na 6-3, 2-6, 7-6 (13-11).

Sa kabila ng pagiging underdog, ipinamalas ni Eala ang matinding determinasyon sa Grandstand court ng USTA Billie Jean King National Tennis Center. Mula sa 5-1 deficit sa ikatlong set, bumawi ang 20-anyos na Filipina at nanalo sa isang nail-biting tiebreaker. Ito ang kauna-unahang panalo ng isang Filipino sa singles main draw ng Grand Slam sa Open Era.

“It was so, so difficult. I was so happy I was able to dig deep and push the limit, physically and mentally. This was it,” ani Eala sa kaniyang on-court interview matapos ang laban.

Bago ang laban, nagbigay ng inspirasyon si tennis legend Venus Williams kay Eala: “Just enjoy yourself. When you’re having fun, things are easy. When you’re not, it’s not as much fun. You have to put the fun first,” ayon sa panayam ng Inquirer.net USA.

Nagbigay rin ng emosyonal na pahayag si Eala tungkol sa suporta ng mga Pilipino sa New York: “It’s so special. They [the crowd] make me more and more special to be a Filipino. It’s something I take so much pride in,” wika niya.

Ang tagumpay na ito ay hindi lamang personal na milestone para kay Eala, kundi simbolo rin ng pag-angat ng Pilipinas sa pandaigdigang tennis stage. Susunod niyang makakaharap ang mananalo sa pagitan nina Cristina Bucsa ng Spain at Claire Liu ng USA.

Larawan mula sa YouTube US Open Tennis Championships