Diskurso PH
Translate the website into your language:

LJay Gonzales, pinangunahan ang Quezon — Panalo kontra Mindoro sa MPBL 2025 season playoffs

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-16 23:28:59 LJay Gonzales, pinangunahan ang Quezon — Panalo kontra Mindoro sa MPBL 2025 season playoffs

LUCENA, QUEZON — Umangat ang Quezon Huskers sa unang laro ng kanilang best-of-three quarterfinal series matapos nilang talunin ang Mindoro Tamaraws, 83-74, sa pagbubukas ng Manny Pacquiao Presents Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) 2025 Season playoffs nitong Lunes sa Quezon Convention Center.

Bumida si LJ Gonzales matapos kumamada ng isang triple-double performance na may 14 puntos, 11 rebounds, at 13 assists, kalakip ang dalawang blocks, upang igiya ang Huskers sa kanilang kampanya tungo sa muling pagsungkit ng korona sa South Division.

Nagpakitang-gilas din si Gab Banal na may 19 puntos, kabilang ang isang mahalagang tres na pumigil sa rally ng Tamaraws sa huling yugto ng laro. Dinagdagan pa ito ng kanyang limang assists at tatlong steals. Sa panalong ito, isang tagumpay na lamang ang kailangan ng Quezon para makapasok sa semifinal round ng torneo.

Nag-ambag din sina Judel Fuentes ng 15 puntos at limang rebounds, at Will Gozum na may siyam na puntos at dalawang rebounds.

Sa panig naman ng Mindoro, na pang-walong seed sa South, pinangunahan ni Bam Gamalinda ang opensa sa kanyang 14 puntos, sinundan ni Joseph Sedurifa na may 13 puntos at limang rebounds, habang may 12 puntos si Axel Inigo at siyam naman kay Ino Comboy, na nahirapan sa kanyang shooting matapos makapagtala lamang ng 3 sa 12 sa field.

Sa isa pang laro, Gensan Warriors ang unang nagtala ng panalo matapos nilang salagin ang huling pag-atake ng Basilan Starhorse Portmasters, 85-78, sa pamamagitan ng siyam na sunod na puntos, apat dito mula kay Larry Rodriguez, upang itala ang 64-52 na abante sa third quarter na hindi na nabawi ng Basilan.

Isang panalo na lang ang kailangan ng Quezon Huskers upang tuluyang makapasok sa semifinals at manatiling kandidato para sa kampeonato ng MPBL South Division. (Larawan: LJay Gonzales / Facebook)