LeBron James, out sa NBA season opener dahil sa sciatica
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 09:28:14
LOS ANGELES — Hindi makakalaro si LeBron James sa pagbubukas ng 2025–2026 NBA season para sa Los Angeles Lakers dahil sa sciatica, isang kondisyon na nagdudulot ng matinding pananakit sa lower back at binti.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Lakers nitong Oktubre 9, si James ay sidelined ng tatlo hanggang apat na linggo matapos makaranas ng nerve irritation sa kanyang glute sa unang bahagi ng training camp. “LeBron James will be re-evaluated in approximately 3–4 weeks,” ayon sa team medical staff.
Ang 40-anyos na superstar ay hindi nakalaro sa unang dalawang preseason games ng Lakers, at inaasahang mamimiss ang season opener laban sa Golden State Warriors sa Oktubre 21. Ito ang unang pagkakataon na hindi makakalaro si James sa opening night ng kanyang career, sa kanyang ika-23 season sa NBA — isang rekord sa kasaysayan ng liga.
Ayon kay Lakers head coach JJ Redick, “LeBron is on his own timeline. We’re being overly cautious because we want him in peak shape come playoff time.” Dagdag pa ng ESPN, ang desisyon ay bahagi ng long-term strategy ng koponan upang mapanatili ang kalusugan ni James sa buong season.
Sa kanyang pagkawala, inaasahang pangungunahan ni Luka Dončić ang Lakers sa unang bahagi ng season, kasama sina Austin Reaves, Marcus Smart, at Deandre Ayton. Si Dončić ay nasa kanyang unang full season sa Lakers at inaasahang magiging pangunahing scorer habang nagpapagaling si James.
Ang sciatica ay isang kondisyon kung saan ang sciatic nerve ay naiirita o naiipit, na nagdudulot ng pamamanhid, kirot, o panghihina sa likod at binti. Ayon sa Cleveland Clinic, karamihan sa mga kaso ay gumagaling sa pamamagitan ng pahinga at physical therapy, ngunit ang mga malubhang kaso ay maaaring mangailangan ng mas masusing gamutan.