Ricky Hatton binawi ang sariling buhay, nagbigti
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:54
MANCHESTER, UK — Kinumpirma ng Stockport Coroner’s Court na ang dating world boxing champion na si Ricky Hatton ay namatay sa pamamagitan ng suicide.
Ang ulat ay inilabas sa isang maikling pagdinig nitong Huwebes, Oktubre 16, isang buwan matapos siyang matagpuang wala nang buhay sa kanyang tahanan sa Hyde, Greater Manchester noong Setyembre 14.
Ayon sa ulat ng coroner, si Hatton ay huling nakita ng kanyang pamilya noong Setyembre 12 at “appeared well.” Gayunman, hindi siya sumipot sa isang event noong Setyembre 13, dahilan upang puntahan siya ng kanyang manager at matagal nang kaibigan na si Paul Speak kinabukasan. Doon siya natagpuang nagbigti sa kanyang silid.
“The cause of death of former world boxing champion Ricky Hatton has been revealed. Hatton died by suicide after being found by his manager, Paul Speak, inside his home in England on September 14,” ayon sa opisyal na ulat ng coroner na si Alison Mutch.
Walang nakitang “suspicious circumstances” sa insidente, ayon sa Greater Manchester Police. Isang mas detalyadong inquest ang itinakda sa Marso 20, 2026 upang dinggin ang testimonya ng mga saksi at suriin ang iba pang ebidensiya.
Si Hatton, kilala bilang “The Hitman,” ay dating two-weight world champion at isa sa pinakasikat na boksingero ng United Kingdom. Kabilang sa kanyang mga nakalaban sina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao. Kilala rin siya sa kanyang down-to-earth na personalidad at matinding koneksyon sa kanyang mga tagahanga.
Isinagawa ang kanyang libing noong Oktubre 10 sa Manchester Cathedral, kung saan libo-libong tagasuporta ang dumalo, kabilang sina Liam Gallagher, Tyson Fury, at Wayne Rooney.
Ang kanyang biglaang pagpanaw ay nagdulot ng matinding lungkot sa boxing community at sa buong mundo ng sports. Marami ang nanawagan ng mas malawak na suporta para sa mental health ng mga atleta, lalo na sa mga retirado.