PBBM, Nilagdaan ang Batas sa Pagdedeklara ng State of Imminent Disaster
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-22 11:09:56
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12287, na nagtatakda ng mekanismo para sa pagdedeklara ng State of Imminent Disaster upang makapagsagawa agad ng anticipatory o preventive measures bago pa man tumama ang kalamidad.
Sa ilalim ng bagong batas, maaaring magdeklara ang Pangulo o mga local chief executives batay sa rekomendasyon ng disaster risk reduction councils. Kapag idineklara, puwedeng ipatupad ang mga hakbang tulad ng preemptive evacuation, pag-preposition ng relief goods, at pagpapatibay ng mahahalagang imprastraktura.
Puwede ring gamitin ang pondo mula sa disaster risk reduction at calamity funds ng mga LGU para sa mga anticipatory actions. Inaatasan ang mga LGU na isama ang ganitong mga hakbang sa kanilang disaster preparedness at response plans.
Itinuturing ng mga mambabatas ang RA 12287 bilang isang landmark measure na magbabago sa disaster management ng bansa mula reactive tungo sa mas proaktibong pamamaraan. Mahalaga umano ito lalo na’t kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakamadaling tamaan ng bagyo, pagbaha, at iba pang climate-related na sakuna.
Inaasahan na mas mapapabuti ng batas ang koordinasyon ng national government at LGUs para sa mas maagap na aksyon na makapagliligtas ng buhay at makababawas ng pinsala sa ekonomiya.