Diskurso PH
Translate the website into your language:

HRep, May Bagong Secretary General at Sergeant-at-Arms

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-23 17:37:00 HRep, May Bagong Secretary General at Sergeant-at-Arms

Nanumpa na sa House of Representatives ang dalawang bagong opisyal para sa mahahalagang posisyon sa administrasyon at seguridad ng Kamara.


Si Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ang itinalaga bilang Secretary General (SecGen). Isang abogado, dating journalist, at batikang lingkod-bayan, dala niya ang malawak na karanasan sa batas, komunikasyon, at pamahalaan. Bago siya itinalagang SecGen, nagsilbi siyang Chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Undersecretary at kalaunan Secretary ng Presidential Communications Office (PCO), at service director ng HRep Committee on Rules. Naging prosecutor din siya sa Department of Justice at abogado sa Office of the Solicitor General. Noong 2024, inendorso siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pinuno ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan.


Dahil sa kanyang background, inaasahang mas mapapalakas ni Atty. Garafil ang operasyon ng HRep Secretariat para sa mas maayos na pamamahala ng mga gawain ng Kamara.


Samantala, si retired Brigadier General Ferdinand Melchor C. Dela Cruz ang bagong Sergeant-at-Arms (SAA). Miyembro siya ng Philippine Military Academy “Tanglaw-Diwa” Class of 1992 at nakapwesto sa iba’t ibang key positions sa Armed Forces of the Philippines. Kabilang dito ang pagiging Chief of Staff at Inspector General ng 5th Infantry Division (5ID), Commanding Officer ng 5th Military Intelligence Battalion, Group Commander ng MIG15, at Deputy Group Commander ng Intelligence Security Group. Noong 2023, siya ay itinalaga bilang Commander ng 501st Infantry Brigade. Kinumpirma ng Commission on Appointments ang kanyang promosyon bilang Brigadier General noong Agosto 2023.


Bilang Sergeant-at-Arms, tungkulin ni SAA Dela Cruz na panatilihin ang kaayusan, seguridad, at disiplina sa loob ng House of Representatives upang masiguro ang maayos na daloy ng mga sesyon.


Ang pagkatalaga kina SecGen Garafil at SAA Dela Cruz ay nagpapakita ng buong tiwala ng Kamara sa kanilang pamumuno at kakayahan.